Tuesday, October 6, 2020

Isang Delivery Rider, Tinapunan ng Pagkain ng Customer Nito na Nag-Cancel ng Kanilang Order


Maraming mga netizen ang nagalit sa umano’y kabastusan na ginawa ng isang babaeng customer na ito sa isang delivery rider. Itinapon lang naman kasi nito sa delivery rider ang pagkaing inorder niya rito dahil natagalan umano siya sa paghihintay.

Ayon sa isang viral na Facebook post, ang naturang customer ay umorder sa food deliver app na Food Panda ng pagkain mula sa isang sikat na fastfood chain. Nasa Php 800 umano ang halaga ng inorder na pagkain ng nasabing babae.

Sa ilang mga pagkakataon, hindi kontrolado ng mga delivery rider ang oras dahil madalas ay mayroong pila sa mga kainan na pagbibilhan nito ng pagkain o di kaya ay mayroong matinding traffic sa kalsada. Kaya naman, hindi maiiwasan na minsan ay natatagalan ang mga ito sa paghahatid ng order kahit ginawa na nila ang lahat para mapadali ito.

Sa kasamaang palad, ganito ang nangyari sa delivery rider na ito sa viral post. Ayon dito, nang dumating umano sa bahay ng customer ang naturang delivery rider, kinancel umano ng customer ang kanyang order dahil natagalan daw ito sa paghihintay ng kanyang ipinadeliver na pagkain.


Panay naman umano ang paghingi ng tawad rito ng delivery rider at ipinaliwanag ang nangyari. Dahil nga sa hindi bast-basta ng inabuno niyang pera para sa naturang order, nagmakawa pa ang nasabing delivery rider sa kanyang customer na kung pwede ay kunin na lamang nito ang order.

Sayang naman kasi ang perang ipinampupuhunan ng mga delivery rider na ito at hindi lahat ay malaki ang pang-abunong pera na dala. Ngunit, imbes na maayos na tanggihan ang delivery rider, ikinagalit ng mga netizen ang ginawa ng customer sa huli.

Tinapon lamang umano nito ang naturang mga pagkain na kanyang inorder sa kawawang delivery rider. Kita sa naturang mga larawan ng delivery rider ang pagpulot nito sa pagkain na itinapon sa kanya.

Dahil dito, maraming mga netizen ang naghayag ng kanilang galit sa naturang customer na umano’y bastos at walang awa. Umani ito ng kabi-kabilang mga pambabatikos mula sa mga netizen na talagang naawa sa sinapit ng rider.

Hindi man lang umano nito naisipan na ikonsidera ang sitwasyon ng delivery rider na maraming pinagdaanan, mabili at maihatid lamang ang kanyang order at sa gitna pa ng pandemya.

Kaya naman, dahil sa mga pambabatikos na ito na kanyang natanggap, naglabas umano ng paliwanag at humingi ng paumanhin ang naturang customer sa nangyari.

Heto ang naging buong pahayag ng customer na ito:

“Hindi ko po intensyon na manloko higit na sa panahong ito. Magcocomment nalang din po ako kasi nasasaktan na din ako sa mga sinasabi ng mga tao… Noong una, nag-order ako pero nagloloading po at matagal ‘yung net at data sa app. Di ko po namalayan na naorder na pala iyon at nadala na pala ‘yung order ko…


“Kung may mali po ako, nanghihingi po ako ng pasensya sa rider. Kinontak ko na po siya at handa po akong magbayad sa kanyang pinang abuno at nagpapasalamat din po ako sa nagpost nito para mabigyang linaw ang lahat.”

Gayunpaman, sa kabila ng pahayag na ito, hindi kumbinsido ang mga netizen sa naging rason ng customer kaya nagpatuloy pa rin ang pambabatikos dito.


Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment