Matapos ang ilang beses na paglabas ni Makaganda o Caffey Namindang sa programa ni Raffy Tulfo, lumabas na rin dito sa wakas ang inirereklamo niyang si Merck Grey.
Nagkaharap na sa unang pagkakaton ang dalawa matapos ang kontrobersiya sa pagitan ng mga ito kung saan, ibinunyag ni Makaganda ang ugali raw ng vlogger sa likod ng kamera at ang katotohanan sa likod ng kanilang mga vlog.
Dito, upang matapos na ang problema ay iminungkahi ni Tulfo na paghatian na lamang ng dalawa ang kanilang naging kita sa pagva-vlog lalo na’t kung wala nang plano ang mga ito na ayusin ang kanilang relasyon o magkabalikan.
Ayon kay Merck, payag naman daw ito sa 50-50 na hatian ng kanilang mga kinita sa YouTube. Iyon nga lang, naubos na ang karamihan nito dahil daw sa mga naging gastos nila dati tulad ng mga bayarin sa bahay at sa kanilang editor.
Isa rin daw sa pinakamalaki na pinagkagastusan nila ng pera ay ang pagpunta sana nila ng Canada. Ayon sa vlogger, alam naman umano ni Makaganda ang tungkol sa gastos na ito.
Depensa pa ni Merck sa sarili, hindi umano totoo na sinaktan niya ang vlogger at na pinilit niya itong maghubad o magpakita ng katawan sa kanilang vlog. Nagbibigay rin daw siya ng pera rito at sa pamilya ni Makaganda.
Ang natirang pera na lamang umano sa kanilang bank account ay nasa $200 na lamang dahil nga sa kanilang mga pinagkagastusan.
Ayon naman kay Makaganda, paghahatian na lamang nila ang mga naipundar nila mula sa pera na kinita nila sa YouTube katulad ng sasakyan at negosyo. Ayon sa dalawa, payag ang mga ito na ibenta ang naturang sasakyan at ang kanilang negosyo at maghati sila sa magiging benta nito.
Bagama’t ayon kay Merck ay wala nang pera ang kanilang bank account, ayon kay Makaganda ay paghahatian na lamang nila ang kanilang darating na sahod nitong buwan na malaki-laki din umano dahil sa naging vlog nila noong nakaraan.
Tantya ni Makaganda, maaaring nasa Php 800 000 umano ang kinita nila na matatanggap ngayong buwan kaya sana ay paghatian na lamang daw nila ito. Payag naman dito sa Merck at nangako na pagka-kuha nila ng pera ay maghahati na sila.
Isa rin sa naging request ni Makaganda ay mabura raw ang lahat ng mga video sa channel na Merck kung saan kasama siya nito. Maging dito ay pinagbigyan din sya ni Merck at pumayag na mabura ang naturang mga video.
Ayon kay Merck ay gusto niya na lang din daw nitong matapos ang nangyayari sa kanila ngunit giit nito ay mayroon pa itong pagmamahal kay Makaganda.
“Hindi ko akalain na ganito tayo maghihiwalay sa lahat ng pinagdaanan natin. Sana maging masaya ka sa desisyong ginawa mo. kumbaga, mahal na mahal kita,” mensahe pa rito ni Merck.
Gayunpaman, buo na ang desisyon ni Makaganda na tuluyan nang humiwalay sa vlogger dahil ani pa nito, sinayang raw lahat ni Merck ang kanyang pagmamahal dito.
“Sana magbago ka na and ‘yung susunod na makakarelasyon mo, ‘wag mo nang lokohin kung binibigay niya naman lahat sa’yo. Hindi naman lahat kasi dapat naka-video… naka-vlog. ‘Yung masaya lang kahit normal ‘yung buhay, ganun. Sana maging ganun ka sa maging susunod mo,” mensahe naman dito ni Makaganda.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment