Tuesday, October 6, 2020

Rapper na si Skusta Clee at Flow G, Inaakusahan ng Plagiarism Matapos Mangopya raw sa Kanta ng BTS


Nang nakaraang mga araw ay naging trending sa Twitter ang rapper at Ex Batallion member na si Skusta Clee matapos ang mga ibinibintang ditong alegasyon ng BTS fans, o ARMYs.

Inaakusahan ng BTS fans si Skusta Clee ng plagiarism matapos mapansin ng mga ito ang pagkakapareho ng tunog ng bagong kanta ng rapper na ‘Deym - 90’s Gang’ sa 2018 track ng BTS na ‘Ddaeng’.

Nitong Setyembre lamang ini-release ng rapper ang naturang kanta na colaboration nito sa kapwa rapper at Ex Batallion member na si Flow G. Samantala, ang ‘Ddaeng’ ay kanta ng BTS members na sina RM, Suga, at J-Hope na inirelease noong 2018.

Sa Twitter, napansin ng ilang mga ARMYs ang pagkakapareho sa tunog ng naturang mga kanta. Kaya naman, agad nagtrending si Skusta Clee matapos ang pahayag ng ARMYs na i-report ang rapper sa nangyaring plagiarism.


Bilang tugon, nagbahagi ng isang tweet si Skusta upang idepensa ang sarili. Ani dito ng rapper, hindi umano nila ginaya ang kanta ngunit hiniram lamang.

“Hindi naman namin ginaya yon OY, hiniram lang namin yung beat at vibe,” saad pa ng rapper sa kanyang tweet.

Ngunit, agad ding nawala ang tweet na ito ni Skusta Clee kasabay ng pagpa-private nito sa kanyang Twitter account. Maging ang kanyang official Facebook page ay deactivated na rin.

Hindi lamang si Skusta Clee ang inaakusahan ng plagarism kundi pati na rin si Flow G na ka-collab ng rapper sa kantang ‘Deym - 90’s Gang’. Kaya naman, sa isang Facebook post, naglabas ito ng kanyang pahayag kung saan, itinatanggi nito ang alegasyon na ‘plagiarism’ sa kanila.


“Gumamit ako ng ‘generic flow’ ‘generic words’ at ‘generic beat’ na pinagawa ko kay Flip-D para sa promotion video ng sarili kong brand…,” paliwanag pa dito ni Flow G.

Dagdag pahayag pa nito, humihingi raw siya ng tawad sa mga ARMYs kung iniisip ng mga ito na kinopya nga nila ang tunog ng kanilang idolo. Naiintindihan niya rin umano ang mga ito.

“Sorry sa mga fans na ibang klase sumuporta sa mga idolo nila. Di ko kayo masisisi kung anong pumapasok sa isip nyo. Wag kayo mag alala naiintindihan ko kayo. sana lahat ng taga hanga ganyan sumuporta. At nagpost din po ako tungkol dito para din sa promotion ng brand. Bili na po kayo damit na malupit DEYM… 

“Hindi ako fan ng BTS at Mas lalong hindi ako HATER. kaya yung mga comments agains sa kanila hindi ko yan kailangan dito. Labas na ko jan sa mga nararamdaman nyo,” dagdag ani pa ni Flow G.

Samantala, sa kabila ng paliwanag na ito ng rapper, kumbinsido pa rin ang mag netizen at mga ARMYs na mayroong nilabag sina Skusta Clee at Flow G kaya naman, patuloy ang kampanya ng mga ito na i-report ang kanta ng dalawa.

Bagama’t mayroong iilang netizen na nasa panig ng rapper at nagpa-trend sa #PROTECTSCUSTCLEEATALLCOST, mas nangibabaw pa rin ang paniniwala ng iba na dapat managot ang mga rapper sa ginawa nilang paglabag.

Sa ngayon, deactivated at wala pa ring bagong pahayag si Skusta Clee tungkol sa alegasyon na ito sa kanya.


Panoorin ang buong video dito!


Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment