Ang beteranang aktres at movie icon na si Caridad Sanchez ay mayroong dementia. Ito ang nakakalungkot na ibinahagi ng anak ng aktres na si Cathy Babao, isang grief counselor.
Ayon kay Cathy, taong 2015 pa umano nang madiagnose na mayroong dementia ang kanyang nanay na si Caridad. Nito lamang Agosto ay ipinagdiwang ng aktres ang kanyang ika-87 kaarawan.
Sa kasalukuyan, maayos naman umano ang kalusugan ni Caridad. Malakas pa naman ito ngunit, hindi na ito gagawa pa ng mga pelikula o teleserye.
“Actually, malakas naman si Mommy kaya lang, minsan nga nakakalimot siya…
“Nami-miss din niya ang pag-arte. Pero noong early years ng dementia niya, parang sinasabi na lang niya na, 'Ay hindi na, pahinga na ako.' Enjoy na lang siya ng buhay. Enjoy naman siya kapag may nakakausap na from the industry.
“Nandiyan pa naman, she’s still there. She still remembers a lot of people,” pagbabahagi pa ni Cathy.
Ang huling proyekto na kinabilangan ni Caridad ay nang gumanap ito bilang lola ni Alden Richards sa drama series na ‘One True Love’ ng GMA-7 noong 2012. Matapos nito ay hindi na naging bahagi pa si Caridad ng anumang teleserye o pelikula.
Sa kabila ng kanyang dementia, ayon kay Cathy ay mayroon umanong isang tao na madalas ay nababanggit ng kanyang ina. Ito ay ang aktor na si John Lloyd Cruz.
Tumibay ang pagsasamahan nina Caridad at John Lloyd mula pa man noong gumanap silang mag-lola sa drama series na ‘Tabing Ilog’ na umere ng mahigit sa apat na taon. Mula dito, higit pa sa pagiging magkatrabaho ang ginawang pagpapahalaga ni Caridad sa aktor.
Kaya naman, kahit sa gitna ng unti-unting pagkawala ng kanyang memorya, hindi kataka-taka na ang ala-ala nito kay John Lloyd ay nangingibabaw pa rin. Ganun din dito ang aktor na hindi napigilang maging emosyonal sa minsang ipinadalang sulat ng kanyang Lola Juling sa ‘Tabing Ilog’.
Nang minsang maging panauhin si John Lloyd sa morning show na ‘Magandang Buhay’ noong 2017, naging emosyonal ito nang matanggap at mabasa ang isang sulat mula sa beteranang aktres.
Ani dito ni Caridad, bagama’t hindi niya na nakakasama ang aktor, patuloy lamang ito sa panonood dito at pagsuporta. Ipinahayag niya rin kung gaano ito ka-proud sa lahat ng mga naabot ni John Lloyd.
Heto ang naging buong pahayag ni Caridad sa naturang liham:
“Simula nang magkatrabaho tayo sa Tabing Ilog, ang lagi kong naaalala sa iyo ay ang pagiging mabuting anak mo at mahusay na katrabaho. How I wish na kasama mo ako diyan, pero matanda na ang lola mo. Pero gusto kong malaman mo na I keep on watching you until now.
“I'm so proud of you noon pa man. Alam kong magiging great actor ka at hindi ako nagkamali. Twenty years in this industry is no joke. Sobrang masaya ako na umabot ka ng twenty years at naging bahagi ako ng iyong career noong nagsisimula ka pa lang.
“Thank you for the love and you have my respect. You will always be my John Lloyd, my Rovic. I love you.”
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment