Monday, November 2, 2020

28 Taong Gulang na Babae, Sanggol pa rin ang Pisikal na Kaanyuan at Pag-iisip


Kakaiba ang kondisyon na mayroon ang babaeng ito mula Sorsogon. Sa kabila ng edad nito na 28 anyos na, ang katawan nito ay maihahalintulad pa rin sa isang sanggol maging ang kanyang pag-iisip.

Ipinanganak na mayroong kakaibang sakit si Sarah na taga-Sorsogon. Dahil sa sakit niyang ito kaya habang-buhay na ang kanyang pangangatawan na katulad lamang ng isang siyam na buwang sanggol. Maging ang kanyang pag-iisip ay nananatili lamang sa paraan ng pag-iisip ng isang sanggol.

Mula nang ito’y maipanganak, taglay na ni Sarah ang sakit na Congenital Hypothyroidism. Ibig sabihin nito ay hindi lumalaki si Sarah at buong buhay nito ay taglay niya lamang ang katawan at isip ng isang sanggol.

Dahil sa kakapusan sa pera at hirap ng buhay, hindi raw agad napatingnan sa doktor si Sarah ng kanyang nanay. Una pa lamang ay napansin na raw ni Merly Isao na may kakaiba sa anak kagaya na lamang ng hindi paglaki ng kanyang mga paa at kamay kahit noong apat na taong gulang na ito.

Walong taon pa ang lumipas bago tuluyang napatingnan si Sarah sa mga doktor. Dito na nga natuklasan ang kanyang sakit sa buto na dahilan ng hindi nito paglaki ng normal.

Dahil sa kondisyon niyang ito kaya tinaningan na si Sarah noon ng doktor na hindi hahaba ang kanyang buhay. Ayon sa mga ito, hanggang walong taong gulang lamang mabubuhay si Sarah. Ngunit, dahil sa pagmamahal, matinding pag-aalaga, at pagdarasal ng kanyang pamilya ay nabubuhay pa rin ngayon si Sarah.


Gatas at lugaw lamang ang kayang kainin ni Sarah hanggang ngayon ngunit madalas ay nahihirapan pa rin ito sa paglunok ng naturang pagkain. Dahil sa kawalan ng pera na pampatingin sa doktor, idinaan na lamang ni Merly sa pag-aalaga ng mabuti kay Sarah ang kondisyon nito. Kahit pa nga sa hirap ng buhay ay itinaguyod nito ang kanyang anak.

Mag-isa niyang inalagaan at itinaguyod si Sarah at ang kapatid nito matapos siyang iwan ng kanyang asawa. Hindi madali para rito na makitang nahihirapan din ang kanyang anak.

“Sa ganitong kalagayan po, sir, sobrang masakit sa kalagayan ko. Tuwing gabing tinitingnan ko po siya… natutulog, hindi ko maintindihan ang sakit ng kalooban ko. Atsaka sobrang kaba ko po, sobrang kaba ko kapag pinapakain siya kasi, hirap na hirap siya lumunok eh,” kwento pa ni Merly.

Dahil nga sa katawang sanggol na mayroon si Sarah, hindi rin ito nakakalakad. Kaya naman, upang hindi ito palaging karga ng kanyang nanay ay madalas na inilalagay ito sa walker. 

Ayon sa isang doktor, mukhang nakuha umano ni Sarah ang sakit nito sa kanyang nanay noong ipinagbubuntis pa lamang siya nito. Importante raw na kompleto dapat ang pre-natal check-up ng isang nanay na nagbubuntis ngunit, dahil sa kahirapan ay aminado si Merly na hindi nito natutukan ang pagpunta sa doktor.


Kahit hindi na maaagapan pa ang kondisyong ito ni Sarah, hiling pa rin ni Merly na humaba ang buhay ng anak. Humihingi ito ngayon ng tulong para madugtungan pa ang buhay ng anak.

“Sana humaba pa ang buhay ni Sarah habang nabubuhay ako. Huwag mo akong iiwanan kasi mahal na mahal kita,” ani pa ni Merly.

Source: facebook

Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment