Friday, November 27, 2020

Bata, Aksidenteng Nagpadeliver ng 40 order ng Pagkain; Mga Delivery Rider, Tulong-tulong Upang Mabenta ang Ibang Order


Para umanong piyesta ang eksena sa isang lugar na ito sa Cebu matapos sabay sabay na dumating ang mga ipinadeliver na order ng isang bata. Ayon sa ulat, aksidente raw na naparami ang order ng nasabing bata dahil sa huminang internet connection.

Ayon sa Facebook post ng netizen na si Dann Kayne Suarez, apat na order ng pagkain lamang dapat sana ang kanilang ipapadeliver ngunit, nagkamali raw ang bata na um-order nito online matapos na humina ang kanilang internet connection.

Ang resulta, sabay sabay daw na dumating sa bahay nila sa Brgy. Mabolo, Cebu City ang mga delivery rider na may dala ng mahigit sa 40 order ng pagkain. Kaya naman, imbes na apat lamang ang kanyang babayaran ay kailangan nitong bayaran lahat ng pagkaing idineliver sa kanya. Ang bawat isa sa mga order ay nagkakahalaga ng Php189.

Bagama’t binayaran na lamang ng netizen ang ilan sa mga order na pagkain ay humingi na rin ito ng tulong sa kung sino ang gustong bumili ng ilan sa mga inorder na pagkain. Tulong-tulong umano ang mga ito pati na rin ang mga delivery rider upang maibenta lamang ang mga pagkain. 

“Guys, tabangi kog palit ani guys kay na wrong order ang bata, pm lng sa mo order guys 189 ni sya per plastic. 2 pcs chicken fillet ni with fries,” ani pa nga sa isa nitong Facebook post.


Kalaunan, sa tulong na rin ng mga bumili nito ay naibenta ng netizen ang lahat ng mga namaling order na pagkain. Ngunit, bahagya itong nalungkot dahil hindi raw lahat ng delivery riders ay nabayaran dahil ang iba raw sa mga ito ay hindi na nakapaghintay sa bayad. Umalis na lamang daw ang mga ito dahil mayroon pa silang mga dapat na i-deliver.

Kaya naman, dahil sa naturang pangyayari ay mayroong iniwang payo o mensahe ang naturang netizen. Bagama’t kasalanan umano ito ng internet connection kaya namali at naparami ang order ng bata, kailangan umano na bantayan ang mga bata o i-monitor ng maayos tuwing gagamit ang mga ito ng cellphone lalo na sa pag-order.

Bagama’t mayroong iilan na natawa sa nangyari, ilang mga netizen ang hindi ito ikinatuwa dahil naawa raw ang mga ito sa mga delivery rider lalo na ‘yong mga umalis nalang at hindi na nakapaghintay pa sa bayad.

Upang maiwasan ito ay kailangan daw na tutukang maigi ng mga magulang ang kanilang mga anak sa tuwing gagamit ang mga ito ng cellphone. Ani pa nga ng ilan, dapat umano na limitahan ang paggamit nito ng mga bata at dapat ay minomonitor ng mga ito ang paggamit ng cellphone ng mga bata.

Kailangan daw na mas maging responsable ang mga ito sa pagpapagamit ng cellphone sa mga bata at hindi dapat na hinahayaan lamang ang mga ito na nakatutok palagi sa cellphone. 


Hindi lamang kasi ito ang unang pagkakataon na mayroong namaling order o pagpapadeliver dahil sa mga bata. Minsan, mayroong mga bata na umo-order online nang hindi nagpapaalam kaya nagugulat na lamang ang mga magulang sa tuwing dumarating na ang order.

Source: facebook


Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment