Hindi lubos akalain ng dating konduktor sa Pilipinas na si Felix Santillan na matatamasa nito ang mga mayroon siya ngayon sa kanyang buhay sa Amerika.
Ang dating konduktor na kumikita lamang ng Php10 hanggang Php15 kada araw sa Pilipinas, may-ari na ngayon ng 17 magagarang sasakyan at limousine sa Amerika na pinaparentahan nito kabilang na sa mga sikat na Hollywood star.
“Nu’ng bata ako, akala ko lahat ng tao ginagawa ‘yung ginagawa namin. ‘Yung nanay ko nagluluto sa kahoy, naghuhugas ng plato sa balde. Pero nu’ng napunta ako sa bahay ng kaklase ko nu’ng high school, nakita ko na meron silang couch. Maganda ‘yung lababo nila. Hiyang-hiya ako sa katayuan ng buhay namin noon. Doon ko na-realize na dapat akong magsumikap,” pagkukuwento pa ni Felix.
Mula sa pagiging konduktor, isang kaibigan ang nagtulak dito na mangarap pa at huwag mawalan ng pag-asa. Hanggang sa sumampa ito sa barko at mabigyan ng pagkakataon sa Amerika. Pagbabahagi pa nito,
“Naging konduktor ako. Sumusweldo ng 10-15 pesos kada araw. May naging kaibigan ako. Siya ‘yung nag-push sa akin na ‘wag mawalan ng pag-asa. Kaya nagkaroon ako ng lakas ng loob gawin ‘yung gusto ko. Naghanap ako ng paraan. Sumampa ako ng barko. Hanggang sa nagkaroon ng oportunidad dito sa Amerika. “
Sa Amerika, nagtrabaho si Felix bilang mekaniko ng US Navy at ng Post office. Sa Amerika na rin ito nakapag-asawa at nagkaroon ng mga anak. Hanggang sa napagdesisyunan na ni Felix na magretiro sa kanyang trabaho sa edad na 50.
Ngunit, upang patuloy na kumita ay nagtrabaho pa rin ito bilang driver. Hanggang sa naisipan na nitong magtayo ng negosyo. Ang naging ipon nito ay kanyang isinugal sa pagbili ng isang limousine na kanyang pinaparentahan.
Mula sa paunti-unting mga kustomer ay nabigyan ng big break si Felix at naging regular niya nang pasahero ang maraming mga sikat na Hollywood stars. Ilan sa mga ito ay sina Patti Austin, Simon Cowell, at ang gumanap na Captain America, si Chris Evans.
“Sinugal ko lahat ng naipon ko para masimulan ‘tong business na ‘to. Sa awa ng Diyos, may mga tumatawag na mag-aavail ng car rental service. Nagkaroon ako ng pasaherong Hollywood celebrities, gaya nina Patti Austin, Simon Cowell at si Captain America Chris Evans!” saad pa ni Felix.
Kaya naman, kahit naapektuhan din ng pandemya ang kanyang negosyo, malaki pa ring ipinagpapasalamat ni Felix ang buhay na mayroon siya ngayon. Mula sa iisang limousine na nabili nito mula sa kanyang ipon, nasa 17 lang namang magagarang sasakyan ang mayroon ngayon si Felix.
Maliban dito ay mayroon na ring negosyo na paupahang mga bahay sa Amerika si Felix. Dahil sa mga ito kay naipetisyon niya na sa Amerika ang kanyang nanay at pitong iba pang mga kapatid. Nagpapasalamat ang mga ito kay Felix dahil ito ang dahilan sa pagkakaroon nila ng magandang buhay.
“Di ko akalain talaga na mangyari ‘to sa buhay ko ‘eh. Di ko inaasahan na makarating ako dito sa Amerika. Di ko inaasahan makikita ko ang mga celebrity….
“Basta ‘wag kang mag-give up. Aim high,” payo pa nga nito.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment