Sa kabila ng mga kalamidad at hindi magagandang pangyayari na naranasan ngayong taon hindi lamang ng ating bansa kundi maging ng bagong mundo, ayon sa mga sikat na psychic na ito ay mayroon pa raw mga hindi magandang pangyayari na darating bago pa man pumasok ang 2021.
Kamakailan lang, lumabas sa programang ‘Kapuso Mo, Jessica Soho’ ang mga sikat na psychic na sina Hayi ‘Mamu’ Cruz at Jay Costura. Dito, inilahad nila kung ano ang mga pangitaing nakikita nila sa natitirang buwan buwan ng 2020 at sa darating na 2021.
Ayon kay Mamu, bagama’t grabe at marami na umano ang naranasan ng bansa na mga kalamidad ngayong 2020 ay mayroon pa itong nakikitang pangyayari na haharapin ng Pilipinas kaya nararapat lamang daw na maghanda at mag-ingat.
Ang tinutukoy niya ritong pangyayari ay ang muling pagsabog daw ng Bulkang Taal ngayong darating na Disyembre. Ayon kay Mamu, hindi niya raw intensyon na magbigay ng takot ngunit, nakikita niya umano na mas malakas pa ito kaysa sa nakaraang pagsabog ng Taal nitong Enero.
“Nakita ko 'to before mag-November kaya lang hindi ko siya ini-post kasi ayoko ring magkaroon ng takot ang mga tao. Namamaga 'yung ilalim niya. Bubuka lahat at du'n maglalabas ng putik. Sasabog siya bago siya matulog ulit nang mahimbing…
“Yung tungkol sa pagsabog uli ng Mt. Taal, mas malala siya kaysa nu'ng nakaraang January. Ang pagsabog niya sa kadiliman posibleng sa una o ikalawang linggo ng December,” saad pa nito.
Ngunit, ang pagsabog na ito ng Taal ay isa lamang sa iba pang mga mararanasan ng bansa tulad ng malakas na lindol, isang magaganap na digmaan, at isa na namang malawakang pagbaha.
Ang mga hindi magagandang pangyayari na ito sa taong 2020 ay mayroon daw eksplenasyon ayon naman kay Costura. Ito raw ay dahil sa mga numero na mayroon ang kasalukuyang taon. Pagpapaliwanag pa nito,
“Pag nagkakaroon ako ng warning sign regarding sa mga kalamidad, parang nandoon ako sa eksena. Marami kasing hindi nakakapansin, ang 2020 is kambal na numero. Magkaiba ang ugali. Delikado talaga siya… At kung mapapansin n'yo, zero, madami ang nawalan ng kabuhayan, businesses nagsarado, madami ang nawalan ng buhay.”
Heto naman ang kanyang naging pangitain na mangyayari pa rin ngayong 2020. Aniya, “May ipinakita sa akin na isang babala. Isang bolang nag-aapoy, babagsak. Hindi siya direktang tatama.”
Gayunpaman, sa kabila ng mga nakakabahala at nakakatakot na mga pangitaing ito ng dalawa, may magandang nakikita naman si Costura na mangyayari raw sa 2021. Ayon sa psychic, mukhang magkakaroon na umano ng COVID-19 vaccine sa susunod na taon.
Maliban dito, sisigla na rin daw muli ang ekonomiya at ang turismo ng bansa.
“Malaki ang posibilidad na tayo ay aangat dahil ang 2021 ay bagong panimula. May number one siya sa dulo,” saad pa ni Costura.
Nakakabahala man ang ilan sa mga prediksyon na ito ng naturang mga psychic, maliban sa puspusang pag-iingat at paghahanda ay pinakamalakas pa rin na panangga sa anumang sakuna ang pagdarasal at pananalig sa itaas.
Panoorin ang buong video dito!
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment