Friday, November 6, 2020

Marvin Agustin, Umatras Daw sa Proyektong Pagsasamahan Sana Nila ni Jolina Magdangal


Matagal nang hinihintay ng publiko lalong lalo na ng mga fans nina Jolina Magdangal at Marvin Agustin ang isang proyekto na muli nilang pagsasamahan. Ngunit, mukhang maaantala na naman ito dahil sa biglaan daw na pag-atras dito ni Marvin mismo.

Pagbibidahan sana nina Jolina at Marvin ang iWant TFC project na ‘Hoy! I Love You!’ ngunit, sa nalalapit nang pagsisimula ng taping para rito ay bigla na lamang inihayag ni Marvin ang kanyang pag-atras sa proyekto.

Ayon sa ulat na ibinhagi ng Pep.ph, sa hindi malamang kadahilanan ay umatras ang aktor sa proyekto. Hinihingi pa ng mga ito ang panig ni Marvin ngunit hindi pa ito sumasagot kung ano ang dahilan sa desisyon niyang ito.

Magsisimula na sana ang lock-in taping ng ‘Hoy! I love You!’ sa isang beach resort sa Lobo, Batangas ngunit, naantala ito ng inihayag na pag-atras ni Marvin.

Alinsunod sa health and safety protocol ng Inter-Agency Task Force On Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) laban sa COVID-19 kaya lock-in shooting ang magaganap sa paggawa sana ng proyektong ito nina Jolina.

Kasama rin sana ni Marvin sa proyekto ang mga aktor na sina Dominic Ochoa, Winnie Cordero, at Pepe Herrera. Hindi pa makakapagsimula ang taping ng ‘Hoy! I love You!’ dahil nga sa biglaang pag-atras ni Marvin.

Naghahanap na ngayon ang production sa kung sino ang pwedeng ipalit sa aktor bilang bida at leading man ni Jolina sa ‘Hoy! I love You!’.


Labis naman na ipinagtaka ng mga namamahala sa proyekto ang desisyong ito ni Marvin na talagang biglaan. Ani ng mga ito, matagal nang tinanggap ng aktor ang proyektong ito na balik-tambalan din nila ni Jolina. 

Kaya naman, hindi nila malaman kung bakit biglaan itong umayaw noong magsisimula na sana ang taping.

Maliban dito, dagdag antala rin daw sa pagsisimula ng proyekto ang pagkapinsala ng nasabing beach resort sa Batangas na location ng lock-in taping dahil sa pananalasa rito ng Super Typhoon Rolly. 

Problema naman ngayon ito sa production staff ng ‘Hoy! I love You!’. Dahil sa pinsala sa naturang beach resort ay kailangan muna itong ipaayos bago makapagsimula ng taping ang proyekto.

Ikinalungkot naman ng marami ang bakitang ito ng umano’y pagback-out ni Marvin sa reunion project nila ng dating ka-love team. Gayunpaman, sa pagiging panauhin ni Marvin sa programa ni Jolina, ipinaliwanag nito kung bakit niya napagdesisyunang ipagpaliban ang proyekto nila ng aktres.


“Actually ang nasabi ko nga lang diyan, sa mga ganitong panahon, hindi natin puwedeng madaliin ang project. Ang importante sa amin ni Labtim ay gustong-gusto talaga namin gumawa ng project… 

“Gusto namin, hindi lang para sa sarili namin kung hindi para roon sa mga humahanga at gusto kaming mapanood ulit. Pero I think the right project will come… Huwag silang mag-alala. Ang dahilan ng hindi pagkakatuloy ay hindi dahil hindi namin gusto. Gusto namin mas magandang project,” pahayag pa ni Marvin.


Isa ang tambalan nina Jolina at Marvin sa pinakasumikat at hinangaan noong dekada ‘90. Ilang mga pelikula at proyekto ang ginawa nila bilang mag-loveteam na talaga namang tumatak sa mga manonood.

Source: PEP

Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment