Tuesday, December 8, 2020

Hipon Girl, Emosyonal sa Tulong na Ibinigay sa Kanya ni Willie Revillame

Isa rin si Herlene Budol, o mas kilala sa tawag na ‘Hipon Girl’, sa mga nasalanta kamakailan lang ng super typhoon Rolly. Dahil sa pananalasa ng naturang bagyo ay nasira lang naman ang bubong ng bahay na tinutuluyan nito at ng kanyang pamilya.

Kaya naman, sa isang vlog ay ibinahagi ni Herlene ang naging kondisyon ng kanilang bahay matapos ang pananalasa ng bagyo. Dagdag saad niya pa nga rito habang ipinapakita ang kanilang bahay,

“Bakit nga ba ako nag-house tour? Kasi sa YouTube maraming nakikitang mga pekeng bahay ko daw, mga mansyon, may sasakyan. Hindi po sakin ‘yun…”

Sa pagpapatuloy ng kanyang vlog, nabanggit nito ang tungkol sa game show na Wowowin kung saan, emosyonal ito na ibahagi ang ginawang pagtulong sa kanya ng host na si Willie Revillame para ipaayos ang nasirang bahagi ng kanilang bahay.

Hindi na rito napigilan ni Herlene na mapaiyak dahil sa tulong na agad iniabot sa kanya ni Willie matapos ang bagyo. Para agad mapaayos ang kanilang nasirang bubong, binigyan umano ito ni Willie ng Php 20,000.

“Speaking of Wowowin, nabagyo po kami ng bagyong Rolly. Nabutas po ‘yung bubong namin. Nalipad po ‘yung isang kalahati po nung yero….

“So nakarating po kay Kuya Wil at binigyan niya po ako ng 20,000 cash,” pagbabahagi pa nga ni Herlene tungkol dito.

Napaiyak na lamang dito si Herlene habang pinapasalamatan ang kabutihan ng host. Ani pa nito, kahit na hindi na umano siya kasali sa programa ni Willie ay patuloy pa rin ang pag-abot nito ng tulong sa kanya na labis niyang ipinagpapasalamat.

“Sinabi niya dito, pampaayos daw ng bubong. Ayan… Thank you so much po kay Kuya Wil sa 20,000 na binigay niya. Kuya Wil, maraming salamat.

“Kahit po wala ako dun sa Tutok To Win, tuloy tuloy pa rin po yung ano niyo… pagbigay niyo sakin ng tulong,” dagdag ani pa nito.

Maliban dito, ibinahagi rin ni Herlene na binigyan din umano siya ni Willie ng tablet para sa kanya ngayong pag-aaral online o online class.

Sa ngayon, ang vlog kung saan ibinahagi ni Herlene ang tungkol dito ay umani na ng halos 2 million views lang naman at patuloy pa ring dumarami. Umani rin ito ng libo-libong mga komento kung saan, karamihan ay tungkol sa papuri ng mga netizen kay Willie at para sa patuloy nilang pagsuporta kay Herlene.

Samantala, malaki ang pasasalamat ni Herlene kay Willie at sa Wowowin dahil sa programang ito una siyang nakilala ng publiko. Nang sumali ito sa segment na ‘Willie of Fortune’ ng programa, nakuha nito ang atensyon ng mga manonood dahil sa kanyang nakakatuwang personalidad.

Dahil naman dito kaya tuluyan siyang naging bahagi ng programa at italaga ni Willie bilang isa sa mga regular host ng Wowowin. Ang paglabas niya sa programang ito ni Willie ang simula din ng kanyang karera sa pag-acting kung saan, nabigyan ito ng pagkakataon na umarte sa ilang shows ng GMA.

Sa ngayon, si Herlene ay regular na napapanood sa kanyang YouTube Channel na mayroon na ngayong 215,000 na mga subscribers.

Panoorin ang buong video dito!


Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment