Hayagang ibinahagi ng beteranong talent manager na si Ogie Diaz ang pagtanggi umano nito na i-guest ang isang aktor at ipromote ang pelikula nito dahil sinuportahan daw nito dati ang pagpapasara ng ABS-CBN.
Ayon kay Diaz, lumapit umano sa kanya ang promo coordinator ng nasabing pelikula na kinabibilangan ng hindi nito pinangalanang aktor. Humingi umano ito ng pabor na i-guest sa kanyang vlog ang aktor para ipromote ang pelikula nito.
Ngunit, bilang isa sa mga masugid na nakipaglaban para maigawad ang prangkisa ng ABS-CBN, hindi rito pumayag si Diaz dahil ang naturang aktor ay isa raw sa mga sumporta dati sa ABS-CBN shutdown.
“Asking for my support ang isang namamahala ng isang movie for the filmfest. Baka daw pwede kong i-guest at interbyuhin sa aking YouTube channel ‘yung isang bida doon.
“Sabi ko nang wala nang paligoy-ligoy pa, ‘No. Yes to ABS-CBN shutdown siya. Sorry.’,” pagbabahagi pa ni Diaz.
Dagdag pasaring pa nga ni Diaz tungkol sa naturang aktor, kung maganda raw talaga ang pelikula nito ay papanoorin naman daw ito ng mga tao at hindi niya na ito kailangan pang tulungan na magpromote.
Iyon nga lang, sana raw ay bumuti na ang pag-arte ng nasabing aktor.
“Kung maganda naman yung movie niya, hindi naman niya ako kailangan. Kikita pa rin yan. Sana lang, mahusay na siyang umarte,” ani pa nito.
Pagbabahagi pa ni Diaz, ang pelikulang ito raw ng aktor ay kasama sa mga ipapalabas sa Metro Manila Film Festival ngayong taon. Ngunit, minabuti pa rin ng 50 taong gulang na talent manager na hindi ito tuluyang pangalanan.
Diretasahang ani pa ni Diaz, hindi niya rin daw papanoorin ang nasabing pelikula dahil wala naman daw itong rason upang panoorin ang pelikula nito. Hirit pa nga ni Diaz, makikibalita na lamang daw siya tungkol dito.
Ngunit, pagkaklaro ni Diaz, hindi naman ang mismong aktor ang humingi sa kanya ng pabor kundi ang promo coordinator ng pelikula nito. Gayunpaman, matibay ang paninindigan ni Diaz na hindi suportahan ang mga artistang sumuporta sa pagpapasara ng ABS-CBN kaya tinanggihan niya ito.
Maliban sa kanyang YouTubue Channel na mayroon nang mahigit sa 1.66 milyon na subscribers, si Diaz ay mayroon ding weekly show sa DZMM kasama ang ABS-CBN entertainment reporter na si MJ Felipe.
Sa kanyang vlog, muling pinasaringan ni Diaz ang tungkol sa mga artistang ito na nagpaplanong magpatulong sa kanya ngunit, sumuporta naman dati sa pagpapasara ng ABS-CBN. Patutsada pa ni Diaz sa mga ito,
“Hindi talaga… Firm ako diyan and that’s my stand at kung sino iyong mga kakilala ko o kaibigan na nag-yes to shutdown, hindi ko kayo ige-guest.”
Kahit ang mga kilalang artista na nagpapabati raw sa kanya sa kanyang show sa DZMM ngunit nag-yes sa ABS-CBN shutdown dati ay pinasaringan din ni Diaz. Sa kanyang vlog, may prangkang patutsada sa mga ito ang celebrity at talent manager.
“Lalo na yung mga pabati-pabati sa akin sa DZMM. Ang kakapal ng mukha! Nagpapabati kayo sa DZMM, tapos yes to shutdown kayo. Hello?! Ang labo!” saad niya pa nga sa mga ito.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment