Tuluyan nang inaresto at nakakulong ang kontrobersyal na si Xander Ford o Marlou Arizala matapos ang mga inihaing kaso rito ng kanyang dating girlfriend na si Ysah Cabrejas. Dito, idinulog ni Ysah sa programa ni Raffy Tulfo ang umano’y pang-aabuso na ginawa sa kanya ni Xander at pamimilit nito na may mangyari sa kanila.
Sa Facebook Live na ibinahagi ng Star Image Artist Management nito lamang Martes ng gabi, ika-22 ng Disyembre, ipinakita nito si Xander na nasa loob na ng kulungan. Umabot sa mahigit 100,000 viewers ang nakapanood nito na kinunan ng isang kinatawan ng nasabing management.
Ayon dito, bagama’t kinokondena nila ang nagawang kasalanan ni Xander, nakatakda ang mga ito na pyansahan ang kontrobersyal na social media personality ng Php 18,000 upang pansamantala itong makalaya at mabigyan umano ito ng pagkakataon na patunayang wala itong kasalanan sa korte gaya ng sinasabi nito.
Dagdag ani pa ng kumuha ng naturang video, masakit umano sa kanilang loob na tulungan si Xander dahil sa kabila ng mga tinulong ng management sa kanya ay iniwan umano sila nito ng walang paalam at hindi man lang nagpakita ng pagpapahalaga sa kanila.
“Magbago ka na,” ang madiing sabi pa nga nito sa nakakulong na si Xander.
“Kung tutuusin, di ka na namin dapat puntahan dito dahil hindi naman talaga tama ang ginawa mo sa ‘min. Umalis ka sa Star Image, naka-indefinite suspension ka. Ngayon ito, nagpapyansa kami para sa’yo para dinggin mo ang kaso. Makalaya ka pansamantala…
“Pumunta ka kay Ysah kasi kayo lang naman ang may alam sa totoong nangyari. Makiusap ka nalang dahil ang pakikinggan ni Ysah ay ang panig lang ni Raffy Tulfo. Makiusap ka kay Raffy Tulfo,” ang ani pa ulit nito kay Xander.
Nakinig naman dito sa kanya si Xander na nasa loob ng kulungan at nanawagan kay Raffy Tulfo at nakiusap dito na makipag-usap. Ayon kay Xander, kung dati ay wala itong balak na makipag-usap dito, ngayon ay handa na raw siyang harapin si Raffy at magpaliwanag.
“Sir Raffy, ngayon willing na po ako para kausapin po kayo harap-harapan… para magkaroon na kami ng peace of mind, para hindi na mamroblema ‘yung mama ko. Sana po tulungan niyo na rin ako na makausap si Ysah,” ang panagawan pa nito kay Raffy.
Pakiusap naman ng managament sa publiko, sana raw ay itigil na ng mga ito ang pagtawa at panghuhusga sa nangyari kay Xander dahil hindi pa naman umano napapatunayan na totoo nga ang ibinibintang dito ng dati niyang girlfriend.
Handa umano silang makipag-cooperate sa kung anuman ang mapag-uusapan ni Xander at ni Ysah basta’t humarap lamang umano si Xander at harapin ang mga ibinato nito sa kanya. Dahil magpapasko, sana umano ay matigil na muna ang mga panghuhusga ng mga ito kay Xander dahil kawawa din naman umano ito.
Pansamantala namang itinigil ng Star Image Artist Management ang kanilang Facebook live sa nakakulong na si Xander dahil ani ng mga ito ay aasikasuhin muna nila ang makakain ni Xander sa loob ng kulungan at bibilhan pa nila ito ng magagamit sa kanyang pagtulog.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment