Sunday, January 3, 2021

Dating Palaboy, Kaisa na ng Isang Grupo sa Pamamahagi ng Pagkain sa Kalye sa Cebu


Kung dati ito ay isa ito sa mga palaboy laboy sa lansangan at madalas ay nabubuhay lamang sa mga bigay na pagkain sa kanya, ngayon ay kaisa na ng isang grupo ang dating palaboy sa kalye ng Cebu na si Berta sa pamamahagi ng libreng pagkain sa mga nakatira sa kalye.

Sa pamamagitan ng programang ‘Kapuso Mo, Jessica Soho’, mas nakilala ng publiko ang nagviral na palaboy mula Cebu na si Berta, o Roberto Planado Jr. sa totoong pangalan. Una itong naging viral matapos na kumalat ang isa nitong video kung saan, makikita itong nakikipag-usap ng Ingles sa mga tao.

Dati nang kwento tungkol kay Berta na isa itong dating guro kaya marunong at magaling itong magsalita ng Ingles. Kinumpirma naman ng pagsasaliksik ng programa ang tungkol dito. Si Berta umano ay nakapagtapos ng kolehiyo at nakapagtrabaho bilang guro ngunit, dahil sa pag-ibig ay naapektuhan ang kanyang pag-iisip na nauwi nga sa paninirahan na lamang nito sa kalye.

Sa mga kalye o lansangan din ng Cebu nakilala ni Berta ang vlogger na si Anton Camilo na siyang naging susi sa malaking pagbabago ng buhay ni Berta. Maliban kasi sa pagkakaibigang nabuo kina Anton at Berta na tinatawag nitong ‘kuya’, nais ng vlogger na mapabuti muli ang buhay ni Berta at hindi na manirahan sa lansangan.

Kaya naman, matapos ang 17 taong pagpapalaboy-laboy sa kalye, sa tulong ng treatment facility na Safe Haven Treatment Recovery Village ay nirescue nina Anton si Berta mula sa kalye at sumailalim sa treatment.


Matapos lamang ang isang buwan, halos hindi na maaninag ang dating Berta sa malaking pagbabago na makikita rito. Kung dati ay nababalot ng dumi hindi lamang ang damit nito kundi pati kanyang katawan, ngayon ay desente, maayos, malinis, at maaliwalas nang tingnan si Berta.


Ngunit, hindi lamang pisikal na kaanyuan ang nagbago kay Berta dahil ang pinakamagandang pagbabago rito ay ang kanya nang maayos na pag-iisip. Nakakausap at nakakakwentuhan na ito ng maayos at kalmado. 

Mas nagkakaroon na rin ng kabuluhan at kahulugan ang kanyang mga pahayag na ikinatuwa naman ng marami lalo na ang mga sumubaybay sa kwento ni Berta na umasa rin na maging maayos na ang buhay nito.

Kaugnay nito, kamakailan lamang ay naging bahagi si Berta ng isang grupo sa pamamahagi ng libreng pagkain sa mga taong katulad ni Berta dati. Kaisa si Berta ng grupong Battle Against Ignorance Foundation Inc. at ng treatment facility na kanyang tinitirhan sa pamamahagi ng mga libreng pagkain sa mga palaboy o street dwellers sa Fuente Osmena, Cebu.

Kaya naman, marami ang natuwa sa napakalaking pagbabagong ito ni Berta na dati ay nanghihingi lamang ng pagkain ngunit, ngayon ay isa na sa mga namamahagi nito. Masaya ang marami na umaayos na ang buhay ni Berta at umaasa ang mga ito na magtuloy-tuloy pa ang kanyang recovery.

Ang buhay na ito ni Berta ay isa lamang patunay na lahat ng tao ay mayroong pagkakataon na magbago. Sana umano ay maging inspirasyon din si Berta sa mga kagaya niya dati na magbagong buhay na rin o di kaya ay mas makapag-inspire pa si Berta sa ibang mga tao na tumulong din sa mga kagaya niya dati.


Panoorin ang buong video dito!


Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment