Wednesday, March 17, 2021

Tristan Huertas ng Milo & Friends, Sumailalim sa Open Heart Surgery; May Mensahe Para sa mga Kagaya Niyang Workaholic


Noong una, inakala lamang ng vlogger at dog trainer na si Tristan Huertas ng Milo & Friends na simpleng acid reflux attack lamang ang kanyang iniinda. Ngunit, ang dahilan pala ng dalawang bese na inatake siya sa puso ay aortic aneurysm.

Sa edad lamang na 31 ay sumailalim si Tristan sa open heart surgery nitong ika-3 ng Marso matapos na atakihin ito sa puso. Hindi biro ang pinagdaanan ni Tristan para makaligtas sa sakit kaya naman, labis nitong ipinagpapasalamat na nalagpasan niya ang operasyon at ang mga taong patuloy na tumutulong sa kanya.

Ayon kay Tristan, ang kanyang sobrang pagtatrabaho, o pagiging workaholic ang dahilan kung bakit napabayaan nito ang kanyang katawan. Kaya naman, para sa kanyang mga tagasuporta ay nagbigay ito ng mensahe tungkol sa kanyang karanasan at tungkol sa dapat na pag-aalaga ng katawan.

Aminado si Tristan na masyado raw nitong inabuso ang sarili. Mula sa paninigarilyo at pagve-vape, hanggang sa pagkain ng matataba at walang tigil na pagtatrabaho. Pagbabahagi pa nito, 


“Sobrang sipag ko magtrabaho, magnegosyo at parang ayaw ko na magpahinga dahil masarap kumita ng pera lalo na at pinagpapaguran mo… ‘Yun lang talagang napabayaan ko ang katawan ko.”

Hanggang sa nakaramdam umano si Tristan ng acid sa katawan nito kaya siya bumalik sa pagwo-workout. Mula Pebrero, dahil sa pag-eehersisyo ay inakala raw ni Tristan na malakas na ulit siya.


Ngunit, noong ika-27 ng Pebrero ay inatake sa puso ang vlogger at agad na sumailalim sa operasyon ilang araw lamang ang makalipas. 

Ayaw man nito na magpakita ng kahinaan, hindi napigilan ni Tristan na maiyak nang ibahagi sa publiko ang tungkol sa pagdadaanan niyang operasyon. Hindi nito naitago ang lungkot dahil sa nangyari sa kanya at pangamba para sa kanyang mahal sa buhay.

Kaya naman, nang malampasan niya ang operasyon, agad na ipinagpasalamat ni Tristan ang mga taong tumulong sa kanya at ang Diyos para sa kanyang buhay.


“Sobrang hirap ng pinagdaanan ko dito… Emotionally, physically at financially damaged talaga ako… 2.3 Million ang nagastos natin dito maraming salamat po sa lahat ng tumulong at hanggang sa ngayon ay tumutulong. Hindi ko na ma-mention sa sobrang dami niyo po.

“31 years old pa lang naman ako pero ramdam ko talaga ang sakit ng operasyon. Biyakin ba naman yung dibdib mo at galawin ang puso mo,” ang ani pa ni Tristan.

Dahil sa nangyari rito, nais niya raw na maibahagi ang kanyang pinagdaanan sa mga taong sobra rin na magtrabaho kagaya niya. Ayon kay Tristan, isa sa mga napagtanto nito sa nangyari ay ang kahalagahan ng pag-aalaga sa katawan kaysa kumita.

Habang bata pa, alagaan umano ng mga ito ang kanilang mga sarili. Dagdag mensahe pa nga ni Tristan sa mga ito, 

“Gusto ko mashare itong experience ko para sa mga taong pinapabayaan nila ang sarili nila at sobrang workaholic… Tandaan niyo. Pera lang ‘yan. Kikitain natin ‘yan. Alagaan natin ang sarili natin pls... 


“Di bale nang naranasan ko ‘tong hirap na ‘to ‘wag lang kayo dahil mahal ko lahat kayo. Masarap mabuhay mga ka-Milo lalo na at maraming umaasa satin. Lagi kayo magdadasal at magpasalamat sa Diyos dahil buhay tayo… God bless us!”

Source: facebook

Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment