Dahil papalapit na ang inaabangan ng lahat na Miss Universe 2020, ang tinaguriang pinaka prestihiyosong pageant sa mundo, nag-iingay na naman ang mga Pinoy para suportahan ang ating pambato sa kompetisyon na si Miss Universe-Philippines Rabiya Mateo.
Ngunit, hindi lamang mga Pinoy ang todo-suporta rin sa kanilang mga pambato. Maging ang ibang mga bansa na kasali sa kompetisyon ay puspusan din ang pagsuporta sa kanilang mga kandidata lalo na sa social media.
Dahil dito, hindi mawawala ang mga patutsadahan gaya na lamang ng ginawa ng isang pageant fan na ito mula Indonesia. Hindi man ang pambato ng Pilipinas ang kanyang pinatamaan, ang nanalong Miss Universe 2015 naman na si Pia Wurtzbach mula sa Pilipinas ang pinaratangan nito.
Sa isang Instagram post, katabi ng larawan ni Pia suot ang iconic na blue evening gown sa finals night ng Miss Universe ay ang larawan ng American actress at singer na si Keke Palmer. Kapansin-pansin sa larawang ito na malaki ang pagkakapareha ng kanilang suot na mga gown.
Ang larawan dito ni Pia ay kuha sa kanyang pagkapanalo sa Miss Universe noong 2015 habang ang sa American actress naman ay kuha noong 2014 sa isang awards night. Dahil dito, pinaratangan ng naturang Indonesian pageant fan si Pia na umano’y gaya-gaya o ‘copycat’.
“MISS COPYCAT,” ang ani pa nga nito tungkol kay Pia kasabay pa ng pagpaparinig nito sa Pinay beauty queen ng “too much inspiration, sis”.
Hindi naman ito nabigo sa pagtawag sa atensyon ni Pia dahil hindi pinalampas ng Miss Universe winner ang paratang na ito sa kanya ng fan. Ngunit, imbes na magalit, ikinagulat ng marami ang naging sagot dito ni Pia.
Una ay nag-iwan lang naman ng isang “wink” emoji ang beauty queen sa comment section ng post. Animo’y ipinapahiwatig dito ni Pia na hindi siya apektado sa akusasyon.
Ngunit, hindi pa dito natatapos ang kanyang pagsagot dahil sa ikalawang komento ay iniwan ni Pia ang mga hashtag na #WINNER, #PHILIPPINES, at #POWERHOUSE.
Ikinatuwa naman ng maraming mga Pilipino at iba pang mga pageant fans ang simple ngunit malinaw na komento ni Pia sa naturang post. Ikinatuwa ng mga ito ang direktang sagot ng beauty queen na animo’y idinidiin na panalo pa rin naman ang Pilipinas at maituturing nang powerhouse sa mundo ng pageantry ang bansa, anumang paninira ang sabihin ng mga ito.
Bagama’t karamihan ay tuwang-tuwa sa pagsagot na ito ni Pia sa Indonesia pageant fan, hindi rin maiwasan na mayroong ibang hindi sang-ayon sa ginawang pagpatol umano ni Pia sa naturang post.
Ngunit, para sa marami ay tama lamang umano ang ginawa ni Pia dahil kung tutuusin, mukhang sinadya naman talaga umano ng naturang fan na kunin ang atensyon ni Pia dahil naka-tag pa sa post nito ang beauty queen. Maliban kay Pia, maging ang Binibining Pilipinas ay naka-tag din sa post. Kaya naman, wala umanong masama sa pagsagot ni Pia rito.
Samantala, bagama’t mayroong pagkakapareha, ang blue gown na suot ni Pia sa naturang larawan ay gawa ni Pinoy fashian designer na si Albert Andrada habang ang suot naman ni Keke Palmer ay gawa ni Rubin Singer, isang Russian couturier.
Source: pinoydaily
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment