Tuesday, July 27, 2021

Boksingero, Ibinuwis ang Buhay sa Loob ng Ring Mapagtapos Lamang ang Misis Nito sa Kolehiyo


Hindi nasayang ang hirap na pinagdaanan at ang mga pakikipaglaban sa loob ring ng boksingerong si Jonel Borbon dahil sa wakas ay napagtapos na rin nito ang kanyang misis sa kolehiyo.

Nito lamang ika-3 ng Hulyo, napagtapos nito ang kanyang misis na si Mylen Borbon sa kursong Bachelor of Science in Information Technology. Maliban sa kanyang matagumpay na pagtatapos, si Mylen ay gumraduate din bilang ‘cum laude’.

Kaya naman, ganun na lamang ang kanyang pasasalamat sa kanyang asawa.

Ayon kay Mylen, 29, ang mister daw nito mismo ang kumumbinse sa kanya na bumalik sa pag-aaral lalo na’t alam din umano nito na pangarap niya ang makapagtapos sa kolehiyo. Pagbabahagi niya pa tungkol dito,

“‘Nung sabi ko tapos ko nang pag-aralin ng high school ‘yung kapatid ko, sabi ng asawa ko, “Bakit hindi mo i-try ulit mag-aral kasi gusto mo naman?” Tapos sabi ko, “Sige, kung kaya natin. I-try nalang natin…

“Hanggang sa siya po ‘yung nagpilit talaga sa’kin na mag-enroll.”

Sa loob ng ilang taon, pinagsabay ni Jonel ang pagiging isang boksingero at fitness instructor upang mapag-aral ang misis niyang si Mylen. Tumanggap ito ng mga laban kahit hindi maayos na nakakapag-ensayo para lamang kumita ng pera.

Para lamang sa premyong Php 1,000 kada round, ibinubuwis ni Jonel, 31, ang kanyang buhay sa loob ng ring habang sinusubukang ipanalo ang laban para sa perang kikitain. Bumabyahe pa umano ito sa malayo gaya ng Batangas para lamang sa mga labang ito

“Lalaban. Wala akong masyadong ensayo. Kinukuha ko nalang kasi… wala ‘eh. Ganun talaga, maraming bayarin, ‘eh,” ani pa ni Jonel.

Ayon kay Jonel, kaya raw nito kinumbinse ang misis na bumalik sa pag-aaral ay dahil alam nito na darating ang panahon na hindi na siya pwedeng lumaban sa boksing. Ani umano nito sa kanyang asawang si Mylen, kahit isa man lang umano sa kanila ay makapagtapos ng pag-aaral.



“Naisip ko rin sa sarili ko, bilang fighter, pagdating ng araw baka hindi ako makapagtrabaho kasi nga hindi rin naman ako nag-aral, wala rin akong tinapos. So parang, ‘yun na lang ‘yung pinagbabasehan ko. Iyong lakas ng katawan, lakas ng loob… 

“Ako kasi, baka pagdating ng araw, ma-injured… wala na. Wala ka ng pag-asa, kaya sabi ko sa kanya, kahit isa sa’min may makapagtapos man lang ng pag-aaral,” saad pa ulit ng boksingero.

Sa pagtatapos nga ng kanyang asawa, ayon kay Jonel ay pwede na itong hindi tumanggap ng mga laban na binibigyan lamang siya ng tatlo hanggang limang araw na preparasyon gaya ng dati. Kung mabibigyan ng pagkakataon ay magtatrabaho na lamang din umano ito.

Samantala, mayroon namang ibinahaging mensahe si Mylen para sa mga katulad nito na hindi agad nakapag-aral. Ayon sa kanya, ‘wag mawalan ng pag-asa dahil hindi naman umano hadlang ang panahon o edad sa pag-aaral.


“Huwag nilang tignan ‘yung edad nila para sa pag-aaral kasi wala naman po talagang edad… kumbaga, wala namang expiration ‘yung pag-aaral, ‘eh. Wala namang age limit po ‘yun. Kaya i-pursue na lang po nila kasi mas iba po talaga ‘yung may pinag-aralan,” ang mensahe pa ni Mylen.

Source: facebook

Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment