Walang pagsidlan ang tuwa ni Sincer Balili dahil sa wakas ay nagtapos na ito ng kanyang pag-aaral sa kolehiyo. Maliban sa kanyang pasasalamat sa Diyos, ipinaabot din ni Sincer ang kanyang malaking pasasalamat sa kanyang kasintahan na siyang nagsikap para maabot nito ang pangarap niyang makapagtapos.
Nito lamang ika-15 ng Agosto, tuluyan nang nakamit ni Sincer ang kanyang pangarap suot ang itim na toga sa kanyang pagtatapos. Yon nga lang, hindi nakadalo ang kanyang nobyong si Bert Andil dahil saktong mayroon itong trabaho noong araw na iyon.
Medyo nalungkot umano ito dahil matagal nilang inantay ang araw na iyon at gusto niyang nandoon ito sa kanyang graduation. Ayon kay Sincer, malaki umano ang tulong at suporta na ibinigay sa kanya ni Bert para sa kanyang pag-aaral. Halimbawa na lamang umano nito ay ang libreng pagpapasakay sa kanya sa bus. Ang natitipid niya umanong pera rito ay naidadagdag niya sa kanyang pambayad sa paaralan.
Kahit maliit lamang umano ang sweldo ni Bert at kahit sa kabila ng mga hirap na kanilang pinagdaanan, hindi siya sinukuan nito at iginapang nilang pareho ang kanilang pangarap. Kahit minsan umano ay naisipan nitong sumuko nalang, hindi pumayag ang kanyang nobyo at mas itinulak pa ito na magtapos.
Buti na lamang umano at saktong dadaan doon sa Bukidnon ang bus na sinasakyan ni Bert nang araw na iyon. Kaya naman, para kahit paano ay magkita sila sa espesyal na okasyong iyon ay inabangan lang naman ni Sincer ang bus na sinasakyan ni Bert sa Bus Stopover.
Kahit sandali lamang ay bumaba ng bus si Bert at nakapag-usap silang dalawa. Suot ang kanyang toga ay nakakuha pa ng larawan ang mga ito na magkasama.
Kaya naman, laking pasasalamat din umano ni Sincer sa driver ng bus at mga pasahero nito dahil pinayagan nila na huminto sandali si Bert para makita siya sa espesyal na okasyong iyon ng kanyang pagtatapos. Kita ang saya ng dalawa na sa wakas ay natupad na ang kanilang pangarap.
Nang araw na iyon ay napagtagumpayan ni Sincer ang kursong Bachelor of Science in Business Administration major in Marketing Management. Ayon kay Sincer, 28 taong gulang, si Bert umano ang humikayat sa kanya na ipagpatuloy pa rin ang kanyang pag-aaral.
Bago ito, namasukan muna noon bilang kasambahay si Sincer. Isa rin itong single mother ngunit, hindi ito naging hadlang para abutin niya ang kanyang minimithing pangarap, ksama siyempre ang kanyang nobyo na walang sawang sumuporta sa kanya.
“Couple Goals” nga umano na maituturing ang dalawa dahil nagsilbi silang inspirasyon hindi lamang para sa mga magkasintahan ngunit para rin sa mga taong mayroong mga pangarap na gustong maabot.
Samantala, matapos naman magviral ang kanyang post, nagpaabot ulit ng pasasalamat si Sincer para naman sa mga taong natuwa at na-inspire sa kanilang kwento. Ani pa nga nito,
“Maraming salamat po sa inyong lahat. Sa mga like, share, at comments. Di ko maiwasan umiyak po. Salamat at na-inspire namin kayo. Dahil sa tagumpay kong ito… ang daming story nyan, nakayanan namin lahat ng trials. Umabot sa punto na magsa-stop na ako pero kahit kaunti lang sahod niya, pinagkasya ko sa lahat. At a’yan po ang regalo namin sa isa’t-isa.”
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment