Sa panahon ngayon na mahirap ang makahanap ng trabaho, mas pinili ng college graduate na si Jessa Mae Apal, 23, ang mamasukan muna bilang isang promodiser kahit hindi ito akma sa kursong kanyang tinapos. Nagtapos ito kamakailan lang sa STI College Bohol.
Mas mahalaga kasi para rito ang magkaroon ng marangal na trabaho kaysa mag-antay lamang ng mga oportunidad na akma sa kanyang tinapos. Ani nga nito, hindi naman umano kasi nakakabayad ng “bills” ang pagpapairal ng “pride.
Ngunit, dahil sa desiyon niyang ito ay nakatanggap si Jessa ng mga panglalait o pangmamaliit. Pagbabahagi niya pa nga tungkol dito,
“Sabi nila college graduate daw ako tapos hindi ko ginamit 'yung kurso ko kasi promodiser/promo girl/push girl lang ako. Nasaan na ba raw ‘yung natapos ko at bakit ito lang trabaho ko ngayon…
“Well, sa hirap maghanap ng trabaho ngayon, sa hirap makapasok sa mga hotels ngayon, bakit hindi ako papasok sa ganitong trabaho? Kailangan ba talaga kung ano ang natapos mo dapat ‘yun din ang present na work ngayon?
“Let me remind you, guys. Hindi ‘yan nagma-matter sa kung anuman ang natapos mong kurso sa trabahong meron ka ngayon! Diskarte na ang kailangan ngayon.”
Ayon kay Jessa, aminado siya na nainis at nakaramdam siya ng galit dati sa tuwing nakakarinig siya ng mga panlalait tungkol sa trabahong pinasukan niya. Ngunit, napagtanto nito na walang maidudulot na maganda sa kanya ang pagpansin sa mga ito kaya mas pinagtuunang pansin niya na lamang ang paghahanapbuhay para sa kanyang pamilya at sarili.
Ngunit, pakiusap niya sa mga ito, sana raw ay baguhin na nila ang maling kaisipan na porket nakapagtapos ng isang kurso ay dapat akma lang rin dito ang papasuking trabaho. Basta’t marangal at may pagsisikap, hindi na dapat hinuhusgahan pa ang trabaho ng isang tao.
“Ekis na yung puro ka kaartehan at namimili ng trabaho kasi hindi tayo uunlad niyan. As long as legal at marangal na trabaho at wala kang pili at walang arte. Pwede ka!
“Please, baguhin ninyo ang ganiyang mindset na kesyo nakapagtapos ka ng kolehiyo at grumadweyt ka sa kinuha mong kurso ay wala ka ng right magtrabaho sa ibang bakanteng posisyon?
“Dapat meron kang 2nd option, kasi kung mag-aantay ka lang kung kelan may magbubukas na posisyon sa natapos mo, kung attitude ka, hindi ka talaga aasenso niya. Habang may panahon pa, change your mindset,” ani pa nga nito.
Maliban sa paalalang ito, mayroon ding ibinahaging mensahe si Jessa para sa mga kapwa niya college grad na “mismatch” o hindi akma sa kanilang tinapos ang nakuhang trabaho. Payo ni Jessa sa mga ito,
“Sa mga college grads na mismatched ang work nila, patuloy lang po tayo sa pagsisikap. Huwag natin hayaan na maliitin tayo ng mga taong puro kutya lang ang binibigay sa atin. Magpursige tayo para sa pamilya at para sa sarili natin…
“Hayaan natin silang kutyain tayo. Magsumikap lang tayo at kung ano mang bakanteng trabaho na puwede sa atin basta maranga, GO LANG! Ipagpatuloy n’yo lang…
“Wag nating hayaan na i-down tayo ng mga taong nakapaligid sa atin, bagkus ay gawin natin itong inspirasyon upang makamit natin ang pangarap para sa pamilya natin…”
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment