Sunday, August 7, 2022

Isang cheetah at isang aso, matalik na kaibigan kung ituring ang isa’t-isa sa isang zoo!

Sa “animal kingdom” ang mga mahihinang hayop ay agad na tumatakbo kapag nakakakita ng mga “predators” tulad ng mga cheetah. Ngunit tila kabaligtaran ito ng makikita sa San Diego Zoo Safari Park kung saan mayroong mag-bestfriend na isang aso at isang cheetah!

Si Ruuxa ay isang cheetah na talaga namang malapit na malapit sa kaniyang kaibigan na si Raina. Siya ay isang babaeng “Rhodesian ridgeback dog”.

Bata pa lamang silang dalawa ay talagang malapit na sila sa isa’t-isa. Ang kanilang kakaibang pagkakaibigan ay nagsimula nang si Ruuxa ay nagpapagaling mula sa isang “surgery” na pinagdaanan nito sa Safari.

Siya ay mayroong “chondrodysplasia” na isang genetic condition kung saan nagdudulot ito dwarfism sa kaniyang harapang binti. Inabandona na rin si Ruuxa ng kaniyang ina noong bata pa lamang ito.

Buti na lamang at naririyan si Raina na palaging umuupo sa kaniyang tabi upang samahan ito. Mula noon ay halos hindi na napaghiwalay ang dalawa.

Naging mabuting magkaibigan ang dalawa na talagang palagi nang magkasama. Lumipas nga ang apat na taon at hindi pa rin nagbabago ang kanilang pagkakaibigan.


Kung noon ay hindi na inaasahan pang makakatakbo ng maayos si Ruuxa, ngayon ay talagang kakakitaan na ito ng sigla at kakayahang tumakbo dahil na rin sa suporta at pagsasanay nila ng kaibigan niyang si Raina. Isa sa mga paboritong laro ng dalawa ay ang paghabol sa ilang mga “plush toys” na nasa isang tali.

Marahil, marami ang nagtataka dahil likas na kinatatakutan talaga ang mga cheetah ngunit para kina Raina at Ruuxa, tunay silang magkaibigan kahit na magkaiba pa ang kanilang lahi. Nakakatuwang makakita ng ganitong klase ng pagkakaibigan.

Kahit naman tayong mga tao ay mayroon ding ganitong klase ng karanasan. Maaaring ibang-iba ang ugali at paniniwala ng iba nating mga kaibigan kumpara sa atin ngunit hindi ito nagiging hadlang upang hindi natin sila ituring na kaibigan o madalas ay higit pa sa isang kapatid at kapamilya.


No comments:

Post a Comment