Ang pagkakaroon ng sanggol sa isang sambahayan ay talagang maituturing na isang napakagandang biyaya mula sa Diyos. Hindi madali ang pagbubuntis at panganganak ngunit dahil sa grasya at biyaya Niya ay hindi magiging imposible ang mga ito.
Sa oras naman na lumabas na ang sanggol at naiuwi na sa kanilang tahanan ay mapapaisip naman ang mga magulang nito kung paano nga kaya sila magkakasundo ng kanilang naunang “baby” – ang kanilang pet dog. Marahil isa lamang ito sa mga nagiging palaisipan sa maraming mga magulang lalo na iyong may mga alagang hayop.
Mahal na mahal ni Bonnie Michalek at ng kaniyang mister ang alaga nilang aso. Ang alaga nilang si Brutus ay isang bull mastiff.
Para sa mag-asawa ay siya talaga ang una nilang anak. Nang mabuntis raw si Bonnie ay si Brutus ang unang nakaramdam.
Naramdaman din niyang mas naging “protective” si Brutus sa kaniya sa mga unang buwan ng kaniyang pagbubuntis. Kung kaya naman ramdam din niya na kapag siya ay nakapanganak na ay wala silang magiging problema kay Brutus.
Nang makapanganak na siya at nakauwi sa kanilang bahay ay agad namang lumapit sa kanila si Brutus at dinilaan ang mukha ng sanggol. Ito na nga ang naging simula ng kanilang pagiging malapit sa isa’t-isa.
Naging sobrang malapit si Brutus kay Kayden na kahit ang paborito nitong laruan ay ibinibigay niya rito sa tuwing maririnig niyang umiiyak ito. Para bang sinasabi ni Brutus na mas mahalaga para sa kaniya si Kayden kaysa ang kaniyang paboritong laruan.
Ayos lang kay Brutus na ibigay ang paborito niyang laruan para lamang tumahan si Kayden. Ikinatuwa naman ito ng mag-asawa dahil nakikita nila ang pagmamalasakit at pagmamahal na kanilang alaga sa kanilang bagong silang na sanggol. Tunay nga na natural na sa mga hayop na alaga natin ang mahalin din ang mga taong mahalaga sa atin.
No comments:
Post a Comment