Sa panahon natin ngayon, marami pa rin namang mga pulis ang talagang may dedikasyon sa kanilang trabaho. Hindi alintana ang hirap at pagod basta’t makatulong lamang sa mga taong kanilang pinagsisilbihan.
Ngunit maliban pala sa mga taong ito ay mayroon ding mga pulis na may pambihirang pagmamalasakit sa mga hayop na nangangailangan ng kanilang tulong. Tulad na lamang halimbawa ng isang pulis na ito na nakakita ng isang tuta habang siya ay naka-duty.
Sa halip na iwanan ito ay talagang binantayan niya ito hanggang sa masigurado niya ang kaniyang kaligtasan. Ang nakakamanghang pulis na ito ay si Officer Kareem Garibaldi na nagtatrabaho sa Lakeland Police Department sa Florida.
Muntikan na niyang masagasaan noon ang isang tuta na bigla na lamang sumulpot sa kalsada. Nang bumaba siya at tingnan ang tuta na ito ay nagdesisyon siyang kuhanin na ito at siguraduhin muna ang kaniyang kaligtasan bago ang ano pa man.
Ang naturang tuta ay isang pit bull at boxer mix na nasa walo hanggang sampung linggo na ang edad. Dahil dito ay nagdesisyon si Garibaldi na dalhin muna ito sa kanilang estasyon upang doon ay makapagpahinga.
Matapos nito ay balak niyang iuwi ito sa kaniyang mga amo. Ngunit upang matunton ang mga nagmamay-ari sa tuta ay kinailangan pa niyang magtanong-tanong sa buong lugar kung mayroon silang alagang hayop na nawawala at nagbahagi rin siya ng larawan ng tuta sa social media.
Halos tatlong araw din ang tinagal ng paghahanap ni Garibaldi sa tahanan ng tuta. Kung kaya naman dito na niya naisipan na dalhin ang tuta sa SPCA Florida upang mapa-check-up ito.
Si Connie Johnson, ang safety net manager ng shelter, ang nakakita sa tuta at kay Garibaldi na parehong namamahinga. Labis naman naantig ang puso niya sa ginawang ito ng pulis kung kaya naman kinuhanan niya sila ng larawan at ibinahagi ito online upang magsilbing inspirasyon sa publiko!
No comments:
Post a Comment