Arestado ng kapulisan ang KAPA founder na si Joel Apolinario matapos umano nitong manlaban at magkaroon ng engkwentro sa mga awtoridad sa Surigao del Sur nito lamang ika-21 ng Hulyo, bandang 7:30 ng umaga.
Ayon sa ulat ng CNN Philippines, naaresto umano si Apolinario at 23 iba pa nitong kasama sa isang resort sa Sitio Dahican, Barangay Handamayan sa lungsod ng Lingig sa Surigao del Sur.
Habang sinusubukang arestuhin si Apolinario ng mga pulis na may hawak ng search and arrest warrant para rito, nanlaban umano ang panig ni Apolinario kaya nagkaroon ng barilan sa pagitan nito at ng kapulisan.
Dalawang hindi nakikilalang lalaki sa panig ng KAPA founder ang napatay sa engkwentro habang isa namang Melecio Siano na galing pa rin sa panig ni Apolinario ang nasugatan. Ayon sa mga pulis, dinala na umano si Siano sa Bislig City District Hospital matapos nitong matamaan ng bala sa kaliwang binti.
Base sa paglalarawan ng mga awtoridad, dinepensahan lamang umano ng mga pulis ang kanilang sarili matapos pumalag ang private army ni Apolinario sa kanilang ipinakitang arrest warrant.
Natagpuan din sa naturang lugar ang matataas na kalibre ng mga armas na ayon sa mga awtoridad ay kinabibilangan ng ilang M16 rifle, Garand rifle, sniper rifle, machine gun, shotgun, at iba pa.
Sinampahan ng kaso at pinapaaresto ng Department of Justice si Apolinario at iba pang mga opisyal ng KAPA dahil sa mga kasong syndicated estafa na isinampa sa mga ito. Pebrero pa lamang ng kasalukuyang taon ay inilabas na ng korte ang arrest warrant para rito na umabot umano sa 29.
Minsan naring tumakas si Apilinario sa mga awtoridad nang sinubukan itong hulihin ng National Bureau of Investigation (NBI) noong 2019.
Ang KAPA, o Kabus Padatuon (Mahihirap ay Payayamanin), ay isa umanong investment scam na nagtatago bilang isang religious group kung saan, nanghihikayat ito ng mga tao na mag-invest sa kanila ng pera, kapalit ng buwanang balik sa mga ito na 30 % ng kanilang ininvest.
Dahil dito, dumami umano ang miyembro ng KAPA at umabot umano hanggang sa 50 bilyon ang nakalap nitong pondo galing sa mga investment. Pangako nito sa kanilang mga taga-sunod ang pagkakaroon ng maayos na buhay sa pamamagitan ng mga perang bumabalik sa mga ito buwan-buwan.
Ngunit, dahil nga sila ay isa umanong religious group, ang tawag nila sa naturang investment ay isa umanong ‘donasyon’ para sa organisasyon habang ang pera namang ibinibigay sa mga miyembro buwan-buwan ay tintawag nilang ‘love gifts’ o ‘monthly blessing’.
Malinaw na ilegal umano ang naturang transaksyon ng KAPA na isa umanong paglabag sa Securities Regulation Group. Ilegal umano ang pagkolekta ng mga ito ng pera sa kanilang mga miyembro at pagbabalik ng pera na kasing laki ng 30%.
Maliban dito, mayroon din umanong mga ulat na ang KAPA ay gumagawa rin ng ‘ponzi scheme’ na isang uri ng panloloko. Si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ay ipinag-utos din ang pagpapasara ng umano’y religious group na responsable sa isang investment scam.
Dahil dito, ipina-freeze ng korte ang lahat ng bank account na konektado sa KAPA at maging ang mga ari-arian o property na konektado rito.
Source: cnnphilippines
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment