Wednesday, August 26, 2020

John Regala, Wala Umanong Nahawakang Pera Mula sa mga Donasyon Para sa Kanya; Chuckie Dreyfus, Naglabas ng Pahayag Tungkol Dito



Kamakailan lang, lumabas ang balita tungkol sa paghinto ng mga tulong para kay John Regala na mula sa mga kapwa nito artista dahil umano sa pag-uugali ng aktor habang ginagamot.

Ang pagkalap ng mga donasyong ito ay pinangunahan nina Nadya Montenegro, Aster Amoyo, at Chuckie Dreyfus. Ayon sa mga ito, ‘uncooperative’ umanong pasyente si Regala kaya napilitan silang ihinto na ang pagtulong dito.

Kaya naman, upang maipagpatuloy ang gamutan para kay Regala ay sinalo na ni Raffy Tulfo ang mga gagastusin umano ng aktor sa mga gamot nito at iba pa.

Ngunit, sa pinakabagong pagharap ni Regala sa programa ni Tulfo, mayroon itong isiniwalat tungkol umano sa mga perang donasyon sa kanya galing sa iba’t-ibang mga tao kasama na ang sa mga kapwa niya artista.


Ayon kay Regala, wala umano siyang nahawakan sa mga perang ito at hindi niya rin umano alam maging ang pangalan ng mga taong nagbigay sa kanya ng donasyon.

“Wala po akong nahawakan ni singko po sa kanilang nakalap na mga donasyon. Actually po, humihingi nga po ako sa kanila ngunit wala silang binibigay sa akin na anumang proof kung magkano ang binigay ng isang kapwa ko artista, netizen, o ng ibang tao,” pagsisiwalat pa ni Regala.

Dagdag pa ng aktor, hindi niya rin umano alam ang tungkol sa pagbubukas ng mga ito ng bank account na para sa pagtulong kay Regala. Ang tanging  nakarating lang umano sa kanya ay ang isang BDO Bank account na sa ngayon ay wala na ring laman na nakarating sa kanya.

Ang tinutukoy rito ni Regala ay ang mga kapwa artistang sina Dreyfus, Montenegro, at Amoyo na silang humawak sa mga perang dumating bilang donasyon sa aktor. Hinahanap ngayon ni John kung saan umano napunta ang pera o kahit ang listahan man lang ng mga taong tumulong sa kanya.



Ayon naman kay Dreyfus, lahat umano ng pera na iniabot sa kanila bilang donasyon kay Regala ay kanila umanong ginamit sa pagpapaospital at iba pang mga dapat bilhin para sa aktor.

Maliban dito, mayroon din umanong mga pera na dumiretso sa naturang bank account ng aktor. Ngunit, paggigiit ni Dreyfus, mayroon umano silang mga listahan ng mga taong nagbigay ng donasyon at maging ng breakdown ng pera at lahat ng mga nagastos.

Ibinigay umano nila ito sa dating assistant ni Regala na si Teddy Imperial.

Kaya naman, dahil walang natanggap na anumang listahan si Regala, lumalabas na hindi umano rito naibigay ni Imperial ang naturang mga dokumento na kanyang hinahanap.


“‘Yun nga po ang masakit dahil sa totoo lang po, malinaw na malinaw at kwentas klaras po kami sa lahat po ng tinanggip namin [na donasyon] at gumawa kami ng proper accounting.

“In fact, binigay po talaga namin sa kanyang assistant na si Teddie Imperial… kasama na rin po ang certificate of bank transfer na galing po sa mga bangko,” pagpapaliwanag naman ni Dreyfus.


Kaya naman, dahil sa mga pahayag na ito ni Dreyfus at ni Regala, kailangan muna umanong paimbestigahan ni Tulfo kung ano nga ba ang totoong nangyari. Maging ang dating assistant ni Tulfo na si Imperial ay hindi na rin muna pinagsalita habang iniimbestigahan pa ni Tulfo ang tungkol sa pangyayaring ito.

Source: News5Everywhere

Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment