Isa na namang kwento na kapupulutan ng aral at inspirasyon ang hatid ng trending story na ito sa social media.
Sa kabila ng edad at ilang taon na hindi ito nakapag-aral, sa edad na 45 ay nakapagtapos sa kolehiyo ang dating houseboy na si Guillermo ‘Jun’ Bello Jr. mula Mati, Davao Oriental.
Gumraduate lang naman itong cum laude sa kursong Bachelor of Secondary Education in Technology Livelihood Education sa Davao Oriental State College of Science and Technology.
Matapos ang ilang taong pagsisikap at pagpaparaya, naabot na rin sa wakas ni Jun ang isa sa pinakaminimithi niyang pangarap.
Hindi nakapagtapos noon ng pag-aaral si Jun dahil mas inuna nito ang makatulong sa kanyang pamilya. Taong 1990 umano ng matigil ito sa pag-aaral ng 3rd year high school matapos na ma-stroke ang kanyang ama.
Bunga nito, hindi na nakapagtrabaho pa ang kanyang tatay kaya kinailangan niyang tumulong sa pamilya. Dito siya nagsimulang magtrabaho bilang isang houseboy.
“My dreams shattered and my ambition to become a teacher would not be possible to attain,” pagbabahagi pa ni Jun sa pinagdaanan.
Sa edad na 16 na taong gulang lamang, lumuwas si Jun papuntang Cavite para humanap ng trabaho na may mas malaking sahod. Sa loob ng 24 taon ay nagtrabaho lang naman itong househelper at babysitter.
Sa mahabang panahon na ito ay hindi umano sinukuan ni Jun ang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral. Kaya naman, sa muli niyang pag-uwi sa Davao Oriental noong 2015, nang malaman ni Jun ang tungkol sa Alternative Learning System (ALS) ay agad itong nag-enroll.
Sa pamamagitan ng ALS ay naipasa nito ang high school at ngayon ay pwede na itong tumungtong sa kolehiyo. Kaya naman, walang sinayang na panahon si Jun at agad nag-enroll sa Davao Oriental State College of Science and Technology.
Noong una, mayroon pa umanong pag-aalinlangan ang paaralan kung tatanggapin ba nila si Jun. Kwento pa nito,
“During sa enrollment, hesitant ang program head sa TLE na tanggapin ako kasi baka daw hindi ko makaya ang education course kaya binigyan ako ng isang sem. And I proved to them na kaya ko kasi mataas ang mga grade ko.”
Masaya si Jun dahil kahit sa edad nito, hindi iba ang naging tingin sa kanya ng mga kamag-aral at professors. Bagkus ay pinalakas pa umano ng mga ito ang kanyang loob na siya ay makakapagtapos.
Nang tuluyan na itong gumraduate nito lamang September 2, hindi maipagkakaila ang saya para rito ng kanyang mga magulang na sina Guillermo Bello Sr., 70, at Norma Bello, 68.
Mayroon namang ibinahaging payo si Jun para sa mga katulad niya nangarap lang din na makapagtapos sa kolehiyo. Ani niya sa mga ito,
“Bawat isa ay may pangarap at 'yan (ay) maging pangarap na lang kung walang action na gagawin. Ang Dios ang may akda sa lahat. Magdasal at humingi sa kanya. 'Wag mawalan ang pag-asa at patuloy mangarap, samahan ng dasal. 'Wag mahiya kung may edad na dahil wala sa edad 'yan. Nasa pagsisikap at determinasyon.”
Sa ngayon ay naghahanda na si Jun para sa darating na Licensure Examination for Teachers.
Source: facebook
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment