Kasama ang kanilang mga kaibigan, eksklusibong ipinagdiwang nina Vice Ganda at Ion ang kanilang ikalawang taon sa Enchanted Kingdom nitong ika-25 ng Oktubre.
Unang beses ni Ion sa Ecnchanted Kingdom kaya lahat ng rides ay sinubukan nila ni Vice. Kitang-kita ang saya ng dalawa habang iniikot ang theme park kasama ang mga kaibigang mula pa man noon ay sinuportahan na ang kanilang relasyon.
Kakaiba ang espesyal na date na ito ng dalawa lalo na ang pagkain nila sa ferris wheel. Dito, nagkaroon ng simple ngunit madamdaming usapin ang dalawa tungkol sa kanilang relasyon pati na rin ang kanilang mga pinagdaanan.
“Ang sarap ‘nung ano… naging free tayo, naging tanggap tayo ng tao, kahit na ‘yung iba hindi pa rin,” ani ni Ion.
“Ang pinakamasaya sa akin na nangyari ay ‘yung nagdesisyon tayong panindigan ‘to kahit hindi naman tayo sigurado kung anong magiging reaksyon ng ibang tao.
“Kasi maraming beses na iniisip ko ‘yung magiging reaksyon ng ibang tao. At dahil iniisip ko ‘yun, wag nalang kasi natatakot ako. Dumating tayo sa point na wala na tayong pakialam. Kung anong reaksyon niyo, bahala na kayo. Pero tayo, itutuloy natin ‘to kasi ito ‘yung gusto natin,” pagbabahagi naman ni Vice.
Pagbabalik-tanaw pa ng dalawa, paano raw kapag pumayag noon si Ion nung sinabi ni Vice na huwag na lamang nilang ituloy ang kanilang relasyon dahil sa mga taong nananakot kay Ion. Ayon kay Vice, napakaswerte daw nito kay Ion dahil ininda nito lahat ng mga pananakit dito ng ibang tao.
Pagkukwento pa ni Vice, hindi umano katulad si Ion ng mga dati niyang minahal na walang lakas ng loob na panindigan siya. Takot umano ang mga ito na mahalin si Vice dahil takot ang mga ito sa mga taong makakakita sa kanila. Ibang-iba umano sa mga ito si Ion.
Sa huling bahagi ng kanilang selebrasyon, isang madamdaming surpresa ang ibinahagi ni Vice para kay Ion. Dito, hindi na napigilan pa ni Ion na maging emosyonal sa espesyal na surpresang ito sa kanya ni Vice.
Habang pinapasalamatan nito ang mga taong nakasama nila sa kanilang espesyal na selebrasyon, inilahad ni Vice ang tungkol sa paggawa nito ng isang tula tungkol sa damdamin nito mula nang minahal niya si Ion.
Ang tulang ito ni Vice ay ginawa niyang kanta sa tulong na rin ng singer at kaibigan niyang si Moira. Sabay na pinanood at pinakinggan nina Vice at Ion ang espesyal na kantang ito tungkol sa lahat ng kanilang pinagdaanan at sa damdamin nila sa isa’t-isa.
Hindi naman napigilan ni Ion na mapaluha sa surpresang ito ni Vice na hindi niya inaasahan. Madamdaming pahayag pa nga ni Ion tungkol dito,
“Sobrang… nagulat ako ah. Akala ko iba ‘yung show, ikaw pala. Pero, wala na rin akong masabi. Pauli-ulit kong sasabihin na hangga’t kaya kong iparamdam na mahal kita, ipaparamdam ko sa’yo.
“Siguro, sinilang ako sa mundong ito para mahalin ka. Mamahalin kita ng sobra.”
Panoorin dito ang masaya at madamdaming selebrasyon ng ikalawang anibersaryo nina Vice at Ion:
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment