Madalas na hinuhusgahan ng lipunan ang mga estudyante na maagang nabubuntis habang hindi pa nakakatapos ng pag-aaral.
Madalas na sinasabi ng marami sa mga ito na malabo na nilang maipagpatuloy at matapos ang pag-aaral dahil mayroon na itong anak na kailangang atupagin at buhayin.
Ngunit, pinatunayan ng netizen na ito na hindi sa lahat ng pagkakataon ay ito ang nangyayari. Pinatunayan niya sa mga taong nanghusga sa kanya na kaya niya pa ring tapusin ang pag-aaral bilang Civil Engineer kahit na nagkaroon siya ng anak.
Aminado si Krichell na hindi naging madali ang pinagdaanan niya nang mabuntis ito sa kanyang anak nang hindi niya pa natatapos ang kolehiyo. Dagdag hirap pa rito ay nang iwan daw siya ng ama ng kanyang ipinagbubuntis.
Ngunit, hindi ito naging rason upang magpatuloy ito at mas magsikap. Ani nito,
“Mahirap maging single mom, yung tipong wala kang aasahan kundi sarili mo. Kailangan mong magpakatatag para sa anak mo. Tipong papasok ka sa work sa umaga tapos hapon pasok sa school. Kailangan mong magwork para matustusan lahat ng pangangailangan ng anak mo.”
Kahit walang sapat na tulog dahil sa trabaho at pag-aalaga sa anak, kailangan nitong pumasok dahil mayroon siyang pangarap na gustong abutin kabilang na rin ang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang anak.
Kaya naman, matapos ang pagsisikap nito na mag-aral kasabay ng pagtatrabaho upang maitaguyod ang anak, nakamtan nito sa wakas ang tagumpay at nakapagtapos ng tuluyan sa kolehiyo.
Pinatunayan nito na kung gugustuhin lamang at sasabyan ng pagsisikap, kayang-kayang pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral.
“Madalas ako nakakaramdam ng pagod noon pero hindi ako pwedeng sumuko kasi may bata ng umaasa sakin. Kailangan kong magpakatatag para sakanya. Sisikapin kong makagraduate para sa anak ko para mabigyan ko sya ng magandang buhay at para balang araw maging proud siya sa akin. Sa lahat ng sacrifices ko,” ani pa ni Krichell.
Sa kanyang pagtatapos, pinasalamatan niya ang kanyang pamilya na nandiyan upang suportahan siya sa pag-abot ng kanyang pangarap. Pinasalamatan niya rin ang kanyang pananampalataya sa Panginoon na siyang kinapitan niya habang pinagdadaanan ang hirap ng pagbubuntis na dinagdagan pa ng pag-iwan sa kanya ng karelasyon.
Mayroon ding ibinigay na payo si Krichell para sa mga katulad niya na nabuntis habang nag-aaral pa lamang. Alam niyang hindi ito madali kaya hindi raw maiiwasan na mayroong mga bagay na pumapasaok sa isip nito gaya na lamang ng pagpapalaglag. Ani niya tungkol dito,
“Advice ko lang, WAG NA WAG NIYONG GAGAWIN YUN kasi at the end of the day, kayo lang din mahihirapan. Baka mamaya magkaroon pa ng kapansanan anak niyo. Andiyan na eh, tuloy lang ang laban. Ganon talaga ang buhay, minsan nadadapa. Pero babangon tayo at lalaban padin.”
Dagdag pa nito, ang pagsubok at hirap na kanyang pinagdaanan ay siyang naging dahilan kung bakit ito mas naging matatag at tumibay sa buhay. Gaya ng sinabi nito, nadapa man sa buhay, hindi pa huli ang lahat para muli silang bumangon at patuloy na lumaban sa buhay.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment