Sunday, November 1, 2020

Bahagi ng Isang Dike sa Albay, Bumigay Dahil sa Supertyphoon #ROLLYPH


Sa pananalasa sa bansa ng pinakalamakas na bagyo sa buong mundo ngayong taon, inaasahan na ang mga pinsala dulot ng napakalakas nitong hagupit.

Sa pagdaan ni Supertyphoon Rolly sa Albay nitong Linggo, unang araw ng Nobyembre, rumaragasang baha ang ininda ng mga residente na dulot ng napakalakas na ulan at hanging dala nito. 

Sa mga video at larawan na ibinahagi online ng mga netizen doon, makikita kung gaano katindi ang pinsala at hagupit ni Supertyphoon Rolly sa mga bahay, puno, mga kalsada, at iba pa.

Sa Sogong Ilawod, Camalig, Albay, isang bahagi ng dike roon ang nasira ng bagyo at nagdulot ng matinding baha sa lugar. Nakunan ng isang video ang naturag pangyayari ng tuluyang pagbigay at pagkasira ng isang bahagi ng nasabing dike roon. 

Dahilan ito upang rumagasa ang baha na nadulot ng paglubog ng maraming bahay sa lugar habang patuloy pa rin ang malakas na ulan at hangin doon. Halos puti na ang paligid doon dulot ng matinding hangin na dala ni Supertyphoon Rolly.

Umabot hanggang sa signal no.5 ang babala na itinaas ng PAGASA sa Albay bunsod ng direktang pagdaan at pag-landfall doon ni Supertyphoon Rolly.

Ayon sa pinakahuling ulat, apat na ang naitalang patay sa Albay dulot ng Supertyphoon Rolly. Naitala ang ikalawang pag-landfall nito sa Tiwi, Albay bandang alas 7 ng umaga ngayong Linggo.


Kinumpirma ang balitang ito ni Albay Governor Al Francis Bichara mismo sa isang panayam sa kanya kamakailan lang. Dagdag pa nito, dahil sa Supertyphoon Rolly ay inaasahan na rin nila ang lahar na aagos mula sa paligid ng bulkang Mayon.

“Sa ngayon, apat pa lang iyong counted. Iyong tatlo related sa ilog, iyong nag-overflow. Nawasak iyong dike at iyon iyong mga namatay…

“May bata doon [sa casualties] 5 years old siguro sa tingin namin nakuha ng ibang barangay. Iyong batang iyon malamang inanod iyon, nabitawan siguro. Iyong isa nasalanta ng malaking punong kahoy…

“Yung lahar naman maraming deposits sa slope ng Mayon. Dahil malakas ang bagyo, malakas ang hangin, babagsak ang volcanic debris – 'yung tinatawag nating avalanche,” saad pa ni Gov. Bichara.

Patuloy ang mga rescue operations ng mga lokal na pamahalaan sa Albay kahit na hindi pa tuluyang umaalis doon ang bagyo at patuloy ang pagragasa ng malakas na hangin at ulan sa lugar.

Ayon sa huling update ng PAGASA, humina na ng bahagya si Supertyphoon Rolly at isa na lamang ngayong bagyo. Naglandfall na rin ito sa ikatlong pagkakataon sa San Narciso, Quezon. Mamayang gabi ay nakatakda itong manalasa sa Metro Manila at sa mga lugar ng Cavite at Batangas. 

Bagama’t bahagya itong humina, inaasahan pa rin ang matinding pananalasa nito dulot ng dala nitong matinding ulan at hangin. Nakataas na ngayon ang signal no. 4 sa mga lugar ng Metro Manila, Quezon, Cavite, Laguna, Batangas, at sa iba pang mga karatig lugar.


Patuloy rin ngayon ang pagdadasal ng mga Pilipino mula sa iba’t-ibang mga lugar sa bansa para sa kaligtasan ng mga daraanan at masasalanta ng Supertyphoon Rolly. 

Panoorin ang buong video dito!


Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment