Hnihikayat ngayon ni Department of Education Secretary Leonor Briones ang mga paaralan at guro na magkusa sa paghahanap ng paraan para masolusyonan ang problemang dulot ng Super Tyhoon Rolly sa mga ito gaya ng pagkabasa ng mga module na ginagamit sa distance learning.
Ayon sa sekretarya, huwag na raw maghintay pa ang mga ito ng abiso o utos mula sa kanilang opisina sa kung ano ang dapat na gawin sa mga basang module na ito. Ilan daw sa maaaring maging solusyon nila ay ang ibilad ang mga module sa araw o di kaya ay plantsahin ang mga ito.
“Ine-encourage natin ang intiative ng mga schools para sila ang maghanap, sila mag-develop sila ng solusyon sa mga challenges…
“Siguro hindi naman susulat ang superintendent na, ‘Basa ang module namin.’ Maghanap sila ng paraan. Siguro ibilidad nila, ‘yong iba pinaplantsa,
“Hindi na sila uutusan ng circular galing sa central office para sabihin kung ano ang gagawin,” ani pa ni Briones.
Kaugnay naman ng epekto ng bagyo sa paggawa ng mga modules ng mga guro, ayon kay Briones ay wala na raw dapat problema dito dahil matagal nang tapos ang paggawa ng mga learning modules para sa first quarter ng school year.
Higit na nasalanta ng Super Typhoon Rolly ang mga probinsya sa Bicol, Batangas, Marinduque, at mga karatig lugar. Ayon kay DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio, sa mga lugar na ito ay pwede umanong gumamit ng mga ‘buffer’ modules o di kaya ay mga module na pwede pang magamit kahit nagamit na ito ng iba pang mga mag-aaral.
“Bibigyan sila ng pagkakataon na matuto rin gamit iyong mga self-learning resources na ginamit ng mga kamag-aral nila, na tuloy-tuloy ‘yong pag-aaral,” saad pa ni San Antonio.
Gayunpaman, nakikipag-ugnayan na rin ang DepEd sa National Disaster Risk Reduction Council o NDRRMC para sa umaksyon sa mga paaralan na sinalanta ng Super Typhoon Rolly.
Sa kabilang banda, nagsimula naman ang pagkabahalang ito para sa mga nasalantang paaralan at nabasang mga module matapos ang inihayag ding pagkabahala ng non-government organization na Educo Philippines.
Naghayag ng pagkabahala ang organisasyon sa iniwang epekto ni Super Typhoon Rolly sa mga mag-aaral sa Bicol na matinding sinalanta nito. Ayon sa kanilang spokesperson, maaaring nawala umano ang maraming mga school supplies tulad ng mga module dahil sa mga pagbaha noong bagyo.
“Kapag binaha po din 'yong lugar, definitely po wala na din po 'yung kanilang mga school supplies, 'yung mga modules nila,” saad pa ni Shiena Base, spokesperson ng Educo.
Ayon sa mga ulat, ngayong taon ay ang Super Typhoon Rolly ang itinuturing na pinakamalakas na bagyo na pumasok sa Pilipinas. Maliban dito, ito rin ang itinuturing na pinakamalakas na bagyo na nabuo sa buong mundo ngayong taon.
Ang lakas nito ay maihahalintulad sa hagupit ni Suer Typhoon Yolanda na nanalasa din sa bansa noong 2013 kung saan, tinatayang nasa mahigit anim na libo ang binawian ng buhay. Sa kabilang banda, ang Super Typhoon Rolly naman ay nakapagtala ng mahigit 20 buhay na nasawi dahil sa pananalasa nito.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment