Nito lamang Sabado, ika-7 ng Nobyembre, naaresto ng mga pulis ang kilalang Fliptop Rapper na si J-Skeelz, o Jason Yap Rodriguez sa totoong pangalan, matapos nitong mahuli na nagbebenta ng hinihinalang shabu sa Quezon.
Pasado alas tres ng madaling araw nang isagawa ng Candelaria Municipal Police Station (MPS) sa Candelaria, Quezon ang isang buy-bust operation at dito na nahuli ang kilalang rapper.
Ayon sa ulat, nahuli si J-Skeelz matapos niyang pagbentahan ang isang pulis na nagpapanggap na buyer. Nakabili umano ito sa 37 taong gulang na fliptop rapper ng isang sachet o paket ng shabu sa halagang Php 1,000.
Maliban dito ay mayroon pang nakumpiskang dalawang iba pang pakete ng shabu mula kay J-Skeelz.
Ayon pa kay Police Lieutenant Colonel Arnulfo Selencio, ang police chief ng Candelaria, Quezon, tumutuloy umano ang rapper sa Quezon Premiere Hotel sa Barangay Masin Sur, Candelaria, Quezon nang mahuli.
Kilalang residente si J-Skeels ng Galangin sa Tondo, Manila ngunit ito ay tubong Caloocan. Ang mga ebidensyang nakuha rito ay agad na ipinadala ng kapulisan sa Quezon Provincial Crime Laboratory.
Base sa mga ulat ay nakakulong na ngayon ang fliptop rapper sa custodial facility ng Candelaria Municipal Police Station (MPS).
Ngunit, kahit nahuli sa kanyang krimen at nakulong ay nagawa pa ring ipamalas ni J-Skeels ang kanyang pagra-rap. Ayon sa mga ulat, kahit nasa loob ng kulongan matapos maaresto ay nagawa pa nitong mag-rap na pinalakpakan at ikinatuwa naman daw ng mga kasama niya sa kulungan at kapwa detainee.
Humaharap ngayon ito sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Isa si J-Skeelz sa mga kilalang rapper sa Manila fliptop battle league.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nahuli o naaresto ang isang Fliptop rapper. Kung matatandaan, ilang mga rapper na rin ang napabalitang naaresto matapos ding mahulihan ng ipinagbabawal na druga.
Noong 2018, inaresto ng mga awtoridad ang sikat ding Fliptop artist na si Zaito, o Pedro Canon Jr., matapos itong mahulihan ng tatlong pakete ng shabu matapos ang isinagawang search operation sa kanyang bahay sa Kawit, Cavite.
Bago ang insidente, napasali pa ito sa mga kumanta ng isang anti-illegal drugs jingle ng Cavite police. Ngunit, mariin nitong itinanggi na hindi sa kanya ang mga nakitang druga sa kanyang bahay.
Maliban dito, noong nakaraang taon ay naaresto din ng kapulisan ang Flip rapper na si Andy G, o Andy Jamolin ang pangalan sa totoong buhay. Inaresto ito ng mga pulis sa Pasay City matapos na makumpiska rito ang isang pakete ng shabu.
Noong nakaraang taon din ay nakulong ang kilalang rapper na si Loonie matapos ang isinagawa ritong buybust operation sa isang hotel sa Poblacion, Makati. Sa naturang operasyon ay nakumpiska ng mga pulis ang nasa 15 pakete ng marijuana na nagkakahalaga ng Php 100,000.
Kinasuhan ito ng mga paglabag tulad ng ilegal na paggamit ng druga at pagbebenta ng mga ito. Gayunpaman, nito lamang Enero ng kasalukuyang taon ay nakalabas na ito ng kulungan matapos makapagpyansa ng Php 2 milyon.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment