Naantig ang puso ng marami matapos maibalita ang tungkol sa isang tatay na nakulong dahil sa pagnanakaw nito ng diaper at gatas para sa kanyang anak sa Taguig. Bagama’t mali ang ginawa nitong pagnanakaw, marami ang naawa para sa sitwasyon ng lalaki na nagawa lamang magnakaw para sa kanyang anak.
Isa na sa mga taong naantig ng kwentong ito ng naturang lalaki ay ang social media personality at minsan ding tinaguriang scammer na si Christian Albert Gaza. Sa isang Facebook post, inihayag ni Gaza ang kanyang naramdaman para sa sitwasyon ng naturang lalaki.
Para kay Gaza na isa ring ama, masakit para rito ang nangyari sa naturang lalaki lalo na’t minsan na rin nitong naranasan na makulong dahil sa hirap ng buhay. Pagbabahagi nito,
“Bilang isang milyonaryong ama na nabibigay lahat ang pangangailangan ng aking anak, masakit makarinig ng isang balita na may inarestong lalaki dahil nagnakaw ng gatas at diapers para sa kanyang isang taong gulang na anak. Dati rin akong naghirap sa buhay, dati rin akong magnanakaw ng pera (scammer) at nakulong na rin ako noon kaya alam na alam ko talaga ang pakiramdam.”
Naibahagi din ni Gaza ang kwento kung bakit nagawa ng lalaking ito na magnakaw. Ayon dito, noong November 20 ay wala nang madedeng gatas ang kanyang anak. Iyak ito nang iyak ngunit, dahil sa walang mahanap na trabaho ang lalaki ay hindi ito makabili ng gatas para rito.
Kaya naman, dahil desperado na rin ang tatay na ito para sa kanyang anak ay nagawa nitong magnakaw ng diaper at gatas. Dahil sa kahirapan at dahil na rin sa pangangailang ng anak, nakagawa ito ng mali na siyang dahilan kaya ito nahuli.
Dahil dito, kahit na hindi maitatangging mayroong kamalian sa ginawa nitong pagnanakaw, tutulongan ni Gaza ang lalaki para muli nitong makasama ang kanyang pamilya lalo na ang anak nito.
“Ang pagnanakaw ay mali at kahit baliktarin mo pa ang mundo eh hindi mo pwedeng i-justify na tama ang kanyang ginawa. Karapat-dapat lang siyang makulong, the same way na deserve din niya ang kalayaan na siyang ibibigay ko sa kanya upang makasama na niya ulit ang kanyang pamilya,” saad pa nito.
Dagdag pa ni Gaza, sisiguraduhin niya rin daw na hindi na mamomroblema para sa pambili ng gatas at diaper ang lalaking ito matapos niya itong tulungan na ilabas sa kulungan.
Dahil sa ginawang ito ni Gaza kaya maraming mga netizen ang natuwa sa kabutihan nito para sa naturang lalaki at sa anak nito. Hinangaan ito ng mga netizen na naantig sa ginawang pagtulong ni Gaza.
Gaya nga ng sinabi mismo ni Gaza, minsan na rin itong nanloko o naging scammer kaya alam nito ang pakiramdam ng makulong dahil sa kahirapan. Kaya naman, ang ginawa nitong pagtulong sa isang tao na biktima lang rin ng kahirapan ay hinangaan ng marami.
Ani naman ng ilan, sana raw ay maintindihan ng mga nanghuli sa lalaki kung bakit niya ito nagawa. Patutsada pa nga ng ilan, kung iyon ngang mga nagnakaw ng bilyon ay kaya nilang balewalain, ang lalaking ito pa kaya na nagawa lamang magnakaw ng diaper at gatas para sa nagugutom na anak.
Source: facebook
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment