Nauwi sa pagkasawi ng isang miyembro ng Highway Patrol Team (HPT) at ng isang suspek na sakay ng SUV ang ginawang pagsita ng mga ito sa naturang sasakyan na walang nakalagay na plaka. Nangyari ang madugong insidente bandang ala una ng hapon, Biyernes, ika-6 ng Nobyembre.
Patay sa barilan si Chief Msgt Julius Arcalas ng Cavite HPT at ang isa sa mga suspek na si Methusael Cebrian, asawa ng isang Philippine Navy Officer.
Habang nagsasagawa ng regular na routine check ang Cavite HPT sa kahabaan ng Manila-Cavite Road, Brgy 8, Pulo 3 sa Cavite, sinita ng mga ito ang isang Nissan Terra na walang plaka sa parehong harap at likuran.
Sa video na nakunan sa insidente, makikita ang pagsita at paghingi nina Arcalas sa dalawang sakay ng SUV ng mga kaukulang dokumento at lisensya ngunit walang naipakita ang mga ito. Nagpakilala pa ang dalawa bilang miyembro umano ng navy.
Naging mabilis naman ang sumunod na mga pangyayari kung saan, matapos muling katukin ang mga suspek sa sasakyan ay maririnig na ang sunod-sunod na putukan ng baril ng dalawang panig.
Ayon kay Col. Marlon Santos, hepe ng pulisya ng Cavite, bumaba raw sa SUV si Cebrian matapos kunin ang baril sa loob ng sasakyan at biglang pinaputukan ang hanay ng kapulisan. Gamit nito ang isang 5.56 mm na Bushmaster rifle na umano’y kapareho ang kalibre ng isang armalite.
Dahil sa biglaang pamamaril ni Cebrian ay agad nagtago sa likod ng SUV sina Arcalas kasama ang isa pang pulis. Sa kasamaaang palad, si Arcalas ay tinamaan ng bala ng suspek at agad binawian ng buhay.
Nakabawi naman mula sa pamamaril ni Cebrian ang HPT at agad gumanti rito ng putok. Dahilan ito para mamatay din sa engkwentro ang suspek na si Cebrian ngunit, agad naman na nagpatakbo at tumakas ang kasama nito na kinilalang si Raymond Zuñiga.
Mula sa engkwentro ay nasugatan din ang isang sibilyan na natamaan ng ligaw na bala. Kinilala naman ito bilang si Eduardo Magbana.
Nagsasagawa na ngayon ng manhunt operation ang Team CALABARZON para sa nakatakas na si Zuñiga. Isinasailalim na rin sa pagsusuri kung ang ginamit na mataas na kalibre ng baril ni Cebrian ay legal at nakarehistro.
Mayroon namang lumabas na impormasyon na si Cebrian ay asawa nga ng isang lieutenant senior grade na opisyal ng navy at nakatalaga ngayon sa Sangley Point sa Cavite City. Ayon sa ulat, dumating daw agad sa pinangyarihan ng engkwentro ang naturang asawa ni Cebrian.
Maliban dito, napag-alaman din ng kapulisan na naging miyembro ng Philippine Military Academy ang napaslang na suspek noong 2007 at 2008 ngunit, ito ay ‘na-dismiss’.
Ikinalulungkot naman ng HPT ang pagpanaw ni Arcalas na isang aktibong miyembro ng grupo. Dinala pa umano ito sa Cavite Medical Center ngunit agad din na binawian ng buhay.
Nang maibahagi naman sa social media ang video na kuha sa pangyayari, una pa lamang umano ay kahina-hinala na ang panig ng mga suspek na nasa loob ng sasakyan. Hindi naiwasang ihayag ng mga ito ang kanilang opinyon na maaaring isa umanong sindikato ang mga suspek sa naturang engkwentro.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment