Umalma at hindi nagustuhan ng publiko ang naging pahayag ng housemate na si Justin Dizon, 22, sa kapwa nito housemate na si Jie-Ann Armero, 16.
Nito lamang Huwebes, kumalat sa social media, partikular na sa Twitter, ang isang video clip mula sa PBB kung saan, maririnig ang sinabi ni Justin na hindi ikinatuwa ng maraming mga netizen.
“Sabagay, marumi ka nga pala.”
Ito ang naging diretsahan at walang prenong pahayag ni Justin para kay Jie-Ann na kakalabas pa lamang ng banyo at mayroong tuwalya na nakabalot sa buhok nito. Sa unang bahagi ng video ay makikitang sinabi ni Justin na pinag-uusapan daw nilang mga housemate si Jie-Ann dahil hindi raw ito naliligo.
“Pinag-uusapan ka namin, kasi hindi ka naliligo,” saad ni Justin.
Makikitang papunta si Justin sa kalapit na lababo ni Jie-Ann. Matapos nito, sinabihan niya si Jie-Ann ng “Stay there” at tsaka ginamit ang tuwalya sa ulo nito bilang pamunas ni Justin sa kanyang kamay.
“Pinaglawayan ko,” ani pa ulit ni Justin na ang tinutukoy ay ang kamay daw na pinunasan niya ng tuwalya ni Jie-Ann.
“Wala akong pakialam. Sanay na ako sa ganyan,” ang simpleng sagot naman dito ni Jie-Ann.
Habang naglalakad papalayo, napa-ani naman si Justin ng “Really?” sabay dagdag ng kontrobersiyal nitong pahayag ngayon na, “Sabagay, marumi ka nga pala.”
Sa Twitter, inilarawan ng isang netizen si Justin na “ang baho ng ugali” dahil sa sinabi nito patungkol sa kapwa housemate. Samantala, mabilis naman na kumalat ang video clip na ito na umani ng mga negatibong reaksyon mula sa mga netizen para kay Justin.
Marami sa mga ito ang nagprotesta na patawan ng ‘force eviction’ ang huli dahil daw sa ugali nito. Sa katunayan, isa si Justin sa top trending topic ngayong araw sa Twitter.
Samantala, isang video clip na naman ulit ng programa ng lumabas kung saan, mapapanood ang dahilan kung bakit marahil ay nasabi ng mga housemate na hindi umano naliligo si Jie-Anne.
Ayon sa pakikipag-usap nito kay Kuya, naikwento na sa lugar nila sa Sarangani ay pahirapan ang pagkuha ng tubig. Ang isang container ng tubig ay nagkakahalaga ng Php12 at tatlong maliit na container lamang umano ang kayang bilhin ng pamilya nila Jie-Ann.
Kaya naman, hindi umano madalas na nakakaligo ang housemate dahil mas inuuna nila ang mga mas importanteng paggagamitan ng tubig gaya ng pagsasaing at pang-inom.
“Wala po kaming tubig minsan doon. Binibili pa po… Kaya minsan, hindi po ako nakakaligo, kasi maliit lang po ‘yung mga container namin. Tinitipid pa po namin ‘yung tubig,” pagbabahagi pa ni Jie-Ann.
Matapos nito, isang video clip pa ulit ang lumabas kung saan, dito ay makikitang tinuturuan naman ni Justin si Jie-Ann kung paano gamitin ang ilang mga gamit para sa ‘hygiene’ o paglilinis ng katawan gaya ng body wash.
Ngunit, gaya ng naunang video ay mayroon ding ilang mga netizen na hindi nagustuhan ang hakbang na ito na masyado umanong ‘insensitive’. Pahayag pa nga tungkol dito ng isang netizen,
“Hindi siya palaging naliligo pero di ibig sabihin di niya alam paano. Ang tanga ng whole teaching fiasco na ito sa totoo lang.”
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment