Ipinagluluksa ngayon ng mga mahal sa buhay ng OPM icon na si April Boy Regino ang kanyang pagpanaw nito lamang Linggo, ika-29 ng Nobyembre. Sa kanyang pagpanaw, isang madamdaming mensahe ang inihayag ng misis nito na si Madelyn Regino para sa asawa.
Dito, sa pamamagitan ng isang Facebook post ay inihayag din ni Madelyn ang dahilan ng pagpanaw ng tanyag na mang-aawit. Ayon dito, maliban sa diabetes ay nagkaroon ding stage 5 na chronic kidney disease si April Boy.
Saad pa rito ni Madelyn,
“No more pain sa iyo, Mahal... Sobrang pain naman sa akin... Sabi mo gusto mo pang mabuhay dahil gusto mo pa akong makasama. Bakit mo ako iniwan? Ang daya mo, Mahal! Hindi ko pa kaya!!! #ChronicKidneyDiseaseStage5 #AcuteRespiratoryDesease #Nov292020 @3:08AM.”
Sa isa pang Facebook post nito, may ibinahaging pahayag naman si Madelyn para sa Pangulong Rodrigo Duterte na umano’y siyang tumustos buwan-buwan para sa maintenance na gamot ng singer. Ayon kay Madelyn, ginagawa na umano ito ng Pangulo kahit noong ito ay isa pa lamang Mayor.
Kaya naman, inihayag dito ni Madelyn ang kanyang malaking pasasalamat para kay Pangulong Duterte. Maliban dito ay inihayag niya rin ang kanyang pasasalamat kay Senator Bong Go.
“Maraming Salamat sa aming mahal na mahal na Pangulong Duterte na mula noon hanggang sa huling laban ng buhay ng aking mahal na mahal na asawa, idol April Boy Regino, ay hindi niya ito binitawan.
“Sa hindi po nakakaalam, si Tatay Digong po ang nagbibigay buwan buwan para sa maintenance ng mga gamot ni Idol, simula pa ‘nung Mayor pa lang siya hanggang sa naging Presidente na siya. Gayundin si aming mahal na Senator Bong Go…,” saad pa ni Madelyn tungkol dito.
Pinasalamatan din dito ni Madelyn ang lahat ng nag-abot ng kanilang pakikiramay para sa pagpanaw ng asawa at ang lahat ng mga bumisita sa unang gabi ng lamay nito.
Ayon sa Facebook post ni Madelyn, nakalagak ngayon ang labi ni April Boy sa Idolstar 160 M.H. Del Pilar Street, Kalumpang, Marikina City. Hinihikayat niya rin dito na magsuot ng face mask ang mga nagpaplanong pumunta upang magbigay respeto sa mang-aawit.
“Sa lahat ng nakiramay sa unang gabi at sa lahat ng nakikisampatiya sa fb, messenger, cellphone, YouTube, mga babasahin, at sa iba’t ibang programa sa telebisyon at radyo na binigyan siya ng tribute. Maraming Salamat po,” saad pa ni Madelyn.
Sumikat si April Boy, o Dennis Regino Magdaraog sa totoong buhay, noong dekada ‘90 dahil sa mga tanyag at tumatak nitong mga awiting ‘Di Ko Kayang Tanggapin’, ‘Paano Ang Puso Ko’, at ‘Umiiyak Ang Puso’. Kilala ito sa kanyang trademark na pagsusuot ng sumbrero at pamimigay nito sa mga manonood habang siya ay nagpeperform.
Samantala, ang pagpanaw na ito ni April Boy ay labis naman na ikinalungkot ng publiko lalo na’t sa taong ito ay ilang mahahalagang tao na sa larangan ng musika ang nawala. Ikinalungkot ng mga ito ang pagpanaw ng isa na namang legendary na mang-aawit na kinalakihan na ng marami.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment