Hindi pa rin umano natatanggap ni Jay-R Siaboc ang mga premyo na kasama sa mga napanalunan niya noong nanalo siyang first runner up sa Pinoy Dream Academy noong 2006.
Matapos ang 14 na taon, ayon kay Siaboc ay hindi nito natanggap ang dapat ay isang condominium unit at franchise ng Belgian Waffle na kasama sa mga tatanggapin niyang premyo. Kung matatandaan, si Yeng Constantino ang itinanghal na grand champion sa PDA habang si Siaboc naman ang nanalong first runner up.
Sa isa niyang Facebook post nito lamang Biyernes, ika-27 ng Nobyembre, inihayag ni Siaboc ang tungkol sa mga ito na aniya ay hindi raw maiwasan na hindi isipin lalo na sa panahon ngayon na hirap ang trabaho. Saad niya pa nga rito,
“‘Nung nag-1st runner up ako sa PDA (Pinoy Dream Academy), kasama sana sa premyo ko ay condominium at franchise ng Belgian Waffle. Pero, sad to say, both di ko natanggap ang mga ‘to. Di ko alam kung makukuha ko pa ba ‘to, pero sana. At ngayon naman sa mga kanta ko, WALA na naman ako natanggap…
“Sa panahon ngayon na WALA tayong trabaho, di maiwasan maalala ang mga bagay na sa tingin mo’y dapat sana ay sa iyo. Well, Panginoon nalang siguro ang bahala at nakakaalam… God bless & be safe sa lahat!!!
Sa parehong araw, nagbahagi din si Siaboc ng isang larawan kung saan, makikita ang pagbati rito matapos na umabot nang 25 million views ang pagkanta niya ng ‘Hiling’ sa Youtube Channel ng WISH 107.5.
Animo’y pagbibiro pa rito ng 33 taong gulang na Cebuano singer, sana raw ay may kasamang cheke ang pagbating ito sa kanya para naman maranasan niya rin daw na kumita sa kanyang pagkanta.
“Mas maganda sana kung may kasamang cheque hehe, para naman ma-experience ko din kumita sa kanta ko. Salamat sa patuloy na supporta!!!” saad pa rito ni Siaboc.
Hindi naman maiwasan na mayroong magreact nang hindi maganda sa naging rebelasyon na ito ni Siaboc. Bagama’t mayroong iba na nagulat at naiintindihan ang panig ng singer, mayroon ding iilan na negatibo ang inihayag na saloobin tungkol dito.
Kaya naman, mensahe ni Siaboc sa mga ito,
“Gusto ko lang po klaruhin ‘yung post ko kanina. Wala po akong intensyon na makasakit or maka-offend ng kahit sino. Simple lang po gusto ko, nagbabakasakali lang po ako…
“Dun sa mga nagsalita/react ng hindi maganda dun sa post ko, pakiusap lang po, mag-research muna kayo bago po kayo manghusga. ‘Wag tayo magsalita kung wala tayo masyadong alam. Salamat po.”
Noomg isang taon lamang ay napanood muli sa telebisyon si Siaboc matapos nitong kumanta sa celebrity edition ng ‘Tawag ng Tanghalan’ sa It’s Showtime. Dito ay nagkitang muli sina Siaboc at ang host at komedyanteng si Vice Ganda na mabuti nitong kaibigan.
Dito, inihayag ni Vice ang saya na makita muli ang dating kaibigan. Inihayag niya rin ang kagustuhan na makabalik sa showbiz si Siaboc. Saad pa nga dito ni Vice dati,
“Masaya ako na nagkita kami ulit, barkada kasi kami nito e'... Ang saya ko. Ang saya ko for you. Sana mapanood ka pa namin lagi kasi ang galing galing nito…
“Ako ang wish ko, bumalik yung confidence mo dati –yung paniniwala mo na mahusay ka kasi maaaring yun ang nawala sa dami ng nangyari sa buhay mo. Pero gusto kitang i-remind hindi nawala yung galing mo.”
Source: showbizflash
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment