Nagkatotoo na naman umano ang isa sa mga prediksyon o vision ng sikat na psychic na si Rudy Baldwin. Ito ay matapos na mabalita ang pagsabog ng isang Bulkan sa bansang Indonesia na nagbunsod sa paglikas ng mga residente kalapit nito.
Nito lamang Linggo, ika-29 ng Nobyembre, ay nag-alburuto ang Mt. Ile Lewotolok na matatagpuan sa Lembata Island ng East Nusa Tenggara, Indonesia. Nagbuga ang bulkan ng usok at abo na umaabot sa apat na kilometro ang taas.
Sa bansa, marami ang kinilabutan nang mapagtanto na ang pagsabog na ito ng naturang bulkan ay tumugma raw sa minsang inilabas na vision ni Baldwin. Sa naturang prediksyon, nagbabala si Baldwin tungkol sa umano’y mangyayaring pagsabog ng isang bulkan sa Indonesia.
Ayon sa isang larawan ay makikita na Agosto pa nang ilabas ni Baldwin ang naturang vision. Hindi naman malinaw kung anong taon niya ito eksaktong inilabas.
“Indonesia vision, alam ko kakasabog lang ng bulkan ngunit kailangan ko sabihin sa inyo kung anong nakikita ko sa vision ko. Babala para sa lahat lalo na sa mga OFW na nasa Indonesia,” ani pa rito ni Baldwin.
Ayon sa psychic, bagama’t kakasabog pa lamang ng isang bulkan ay mayroon pa raw siyang nakikita na paglindol sa Indonesia. Maliban pa raw ito sa isa pang pagsabog ng bulkan na mangyayari.
Heto ang kanyang naging babala:
“Nakikita ko sa mga darating na mga araw, malakas na lindol na halos nabitak lahat ang isang haba ng kalye at loob ng bahay… kahit siklab ng apoy nakikita ko ang haba at laki ng apoy.
“Kahit kakasabog lang ng isang bulkan, nakikita ko na naman may isang bulkan pang sasabog. Sa isang bulkan na sasabog, nakikita ko na may Pilipino na nadamay. Mga taga-Indonesia lahat ‘yan nakikita ko sa vision ko na mangyayari pa lamang.
“Kailangan ng taimtim na panalangin kahit sa pagkulimlim ng kalawakan dahil sa mga ibon na at insekto na nagliparan. Kailangan maging matapang ang lahat at laban lamang sa hamon ng buhay. Higit sa lahat, ‘wag kalimutan na manalangin.”
Bagama’t ilang mga netizen ang naniniwala na nagkatotoo raw ang vision ni Baldwin sa pagsabog na ito ng bulkan sa Indonesia, mayroon namang iba na hindi pa rin kumbinsido at sinasabing nagkataon lamang ito na nangyari.
Gayunpaman, maging sa Pilipinas ay ipinagdarasal ngayon ng mga ito ang kalagayan ng mga apektado ng pagsabog ng Mt. Ile Lewotolok sa Indonesia.
Ayon sa mga ulat, dahil sa pagsabog ng naturang bulkan ay lumikas ang nasa 2,800 na bilang ng mga residente sa 28 villages malapit sa dito. Wala namang naitalang pumanaw ngunit, ang pagsabog ng bulkan ay naging dahilan ng pagsasara ng isang paliparan sa Indonesia dahil sa kapal ng abo na ibinuga nito.
Gaya ng Pilipinas, ang bansang Indonesia ay matatagpuan din sa tinatawag na Pacific Ring of Fire kaya mataas ang bilang ng mga bulkang makikita rito. Tinatayang mayroong mahigit sa 120 bulkan sa Indonesia at noong 2018 lamang, isang pagsabog ng bulkan dito ang nagdulot ng tsunami na kumitil sa daan-daang bilang ng tao.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment