Lumantad na ang isa sa mga itinuturing na ‘person of interest’ sa kaso ng pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera sa isang hotel sa Makati City nitong bagong taon.
Hapon ng Enero 13 nang magpunta sa National Bureau of Investigation (NBI) ang basketball player na si Justin Rieta kasama ang kanyang legal counsel upang magbigay ng kanyang pahayag kaugnay ng kaso ni Dacera.
Si Rieta ay kabilang sa mga naka-check in sa Room 2207 ng City Garden Hotel kung saan nagpunta rin si Dacera at mga kaibigan nito noong selebrasyon ng bagong taon. Sina Dacera naman at mga kaibigan nito ay naka-check in sa kabilang kwarto na Room 2209 ng nasabing hotel.
Maliban kay Rieta, nagpunta din kasabay nito sa NBI ang 11 iba pa na nakasama rin nito sa Room 2207. Ayon kay Rieta, wala umano itong napansin na kakaiba kay Dacera noong gabing iyon.
Kaugnay naman sa kaso, handa umano si Rieta na makipag-ugnayan sa isinasagawang imbestigasyon sa tunay na dahilan ng pagkamatay ni Dacera. Samantala, ayon naman sa basketball player ay wala umano siyang kilala sa mga nakacheck-in sa Room 2209.
“Hindi ko po kilala yung kabilang room [Room 2209]. Wala po akong kilala sa kanila,” saad pa nito.
Samantala, taliwas naman sa mga naging salaysay nina Rommel Galido at Valentine Rosales ang paglantad na ito ni Rieta na kinumpirmang isa itong basketball player. Sina Galido at Rosales ay malalapit na kaibigan ni Dacera at itinuturing din na mga ‘person of interest’ sa kaso ng pagpanaw ng flight attendant.
Ayon sa inihayag na salaysay ni Galido, bakla umanong lahat ang nasa kabilang kwarto na Room 2207 kaya daw agad din silang bumalik sa kanilang kwarto na Room 2209.
Nang minsang tanungin nga ito ng media kung mayroon ba itong nakilala na basketball player na nasa Room 2207 nang gabing iyon, ayon kay Galido ay wala umano dahil sa tingin nito ay wala umanong straight na lalaki sa naturang kwarto.
“Wala po kasi akong kilala at alam ko matatandang bakla sila, wala akong… sorry, sorry sa term pero, yeah, there’s… we did not see any straight guys there,” ani pa ni Galido.
“Nung nagising ako to check my schedule, mga bandang 2:30 a.m., si Tin lumapit sa akin, then she grabbed my hand, and sabi niya sa akin, ‘Sis punta tayo sa kabila. Check natin kung merong straight guy doon.’
“Ako naman, sinamahan ko siya, 'tapos siguro mga five minutes, six minutes, bumalik din kami agad sa room,” dagdag saad pa nito.
Pagsuporta naman ni Rosales sa pahayag na ito ng kaibigan, “Napansin nga namin yung mga tao sa 2207, wala naman guwapo 'tapos mga matata… parang may age na. Bakla pero may mga edad na. Sabi ko, 'Doon na lang tayo sa kabila, wala naman pogi dito.' So, pumunta na kami pabalik sa room namin to welcome the new year.”
Gayunpaman, mayoon ding posibilidad na hindi na matandaang mabuti nina Galido ang nakita at nangyari nang gabing iyon dahil pawang nakainom din umano ang mga ito.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment