Dahil sa pandemya, mas madalas na ngayon ang pagsasagawa ng mga awtoridad lalo na ng mga pulis ng checkpoint sa mga kalsada. Wala namang dapat na katakutan sa mga ito lalo na’t wala kang paglabag sa mga batas.
Ngunit, hindi pa rin maiwasan ng marami lalo na ng mga motorista ang kabahan sa tuwing nakikita ng mga ito na mayroong nakapaskil na police checkpoint sa unahan. Kadalasan, ito ay dahil sa ilang mga kakulangan nila tulad ng hindi pagkakaroon ng lisensya, dokumento para sa sasakyan, o di kaya ay kaukulang papeles para bumyahe ngayong pandemya.
Gaya na lamang ng naiulat kamakailan lang tungkol sa nangyaring pagka-aksidente ng isang tricycle driver sa Pangasinan. Ayon sa ulat, kinabahan umano kasi ang driver ng traysikel nang makita nito na mayroong ginaganap na police checkpoint.
Sa San Carlos City, Pangasinan, hinuli sa isinagawang checkpint ng mga pulis ang naturang tricycle driver. Ngunit, hindi ito dahil sa anumang ginawa nitong paglabag. Ito umano ay dahil sa nabangga nito ang nakapaskil na karatula ng police checkpoint sa gitna ng kalsada matapos nitong magmaneho ng mabilis.
Kasalukuyan noong nagsasagawa ang mga pulis ng checkpoint para lamang mai-check kung mayroong dalang kaukulang dokumento ang mga dumaraan sa Brgy. Bolingit ng naturang bayan sa Pangasinan. Pinapara ng mga ito ang mga motorista upang masigurado na dala at kompleto ang mga ito sa mga kaukulang mga dokumemto.
Ngunit, ninerbyos umano kasi ang naturang tricycle driver nang makita niya ang nakapaskil na police checkpoint kaya pinaharurot nito ang takbo ng minamanehong tricycle. Ngunit, imbes na makalusot sa checkpoint ay nabangga nito ang karatula ng PNP kaya hinuli rin ito ng mga awtoridad.
Nakunan pa sa isang CCTV ang nangyaring to kung saan, makikita ang napakabilis na takbo ng traysikel. Sa lakas ng pagkakabangga nito sa karatula ay tuluyan itong nasira. Ayon sa mga pulis na nandoon sa isinagawang checkpoint, laking gulat na lamang umano nito sa naturang tricycle driver na biglang humarurot.
Ayon sa mga awtoridad, mabuti na lamang umano ay hindi nila napaputukan ang tricycle driver na bigla na lamang humarurot sa kalsada. Nang hulihin na ito ng mga pulis at dalhin sa barangay, dito na nila napag-alaman na kinabahan umano ang tricycle driver dahil hindi nito dala ang mga dokumento ng kanyang sasakyan.
Ayon naman sa Chairman ng Brgy. Bolingit ay pinagmulta umano nila ang naturang tricycle driver at pinagpagawa ng nasira nitong signboard o karatula. Nagbigay rin ito ng payo sa mga residente na sumunod lamang sa mga protocol ng mga awtoridad.
Ang isinasagawa umanong checkpoint sa mga pangunahing kalsada sa San Carlos City, Pangasinan ay bahagi lamang ng isinasagawang pag-iingat ng lungsod laban pa rin sa COVID-19. Kaya naman, payo ng mga awtoridad ay huwag umanong katakutan ang mga police checkpoint at sumunod lamang ang mga ito sa regulasyon.
“Huwag po tayong mataranta kapag may mga pulis na nagka-conduct ng checkpoint kasi ginagawa ito para sa kaayusan at katahimikan ng ating bayan para doon sa mga kawatan na ginagamit ang motorsiklo,” ang ani naman tungkol dito ng hepe ng San Carlos City Police Station.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment