Hinangaan at kinabiliban ng maraming mga netizen ang food delivery rider na ito sa Thailand na nagsagwan lang naman sa gitna ng ilog para maihatid ang ipinapadeliver sa kanyang order ng isang customer.
Sa Facebook, nanging instant celebrity ang Food panda rider na si Tanyapisit Eiamkitjakarn matapos maging viral ang mga larawan nito na nasa gitna ng isang ilog, sakay ng isang bangka para makapagdeliver lamang ng order. Marami ang naaliw sa rider na nakahelmet pa habang nagsasagwan ng kanyang maliit na bangka.
Ayon sa rider, hindi umano nito alam na nasa gitna pala umano ng tubig o ilog ang kanyang customer. Nalaman niya na lamang umano ito nang malapit na siya sa ilog at nakita niya na ang lokasyon ng kanyang customer ay nasa gitna nga ng naturang ilog.
Samantala, ang customer na ito naman ni Tanyapisit ay nasa lupa pa umano nang umorder ito ng pagkain. Ngunit, nang paparating na ito, saktong nasa gitna na siya ng Bang Pakong River sa Chachoengsao, Thailand upang mangisda kasama ng ilan pa nitong mga kasamahan.
Dahil sa kakaibang lokasyon ng kanyang customer, minabuti umano ng rider na tawagan ito. Nagulat din ito nang makumpirmang nasa gitna nga ito ng ilog. Ngunit, mabuti na lamang umano ay personal raw pala nitong kilala ang kustomer.
Kaya naman, hindi umano ito nagdalawang isip na personal pa ring ihatid ang mga order nitong pagkain. Gamit ang isang maliit na bangka sa gilid ng ilog, sumakay rito ang rider at nagsagwan papunta sa gitna ng ilog kung saan naroroon ang kanyang kustomer na kakilala rin nito.
Dahil sa kanilang pagkatuwa ay kinunan ng larawan ng isa sa mga kasamahang mangingisda ng kustomer ang pagdating ng rider. Ibinahagi ito sa Facebook ng kanyang kasamahang si Pradit Saengdee kung saan, agad nitong nakuha ang atensyon ng marami.
Ani pa nga nito sa kanyang Facebook post, mayroon na umanong ‘marine delivery service’ ang Food panda. Saad pa nito,
“Food Panda now has marine delivery services… To the Foodpanda of Chachoengsao. Riding a motorbike is outdated. Let’s paddle a boat. This is the new frontier for food delivery.’’
Kaya naman, viral hindi lamang sa Thailand ang rider na si Tanyapisit Eiamkitjakarn kundi sa iba pang mga bansa kung saan umabot ang viral post ng isa sa kanyang mga kustomer. Aliw na aliw dito ang mga netizen lalo na’t nakakamangha umano na maging ang tubig ay kayang suungin ng mga food delivery rider para lamang makapaghatid ng order.
Pabirong ani pa ng ilang mga netizen, mukhang napag-iiwanan na umano ang ibang mga delivery rider kaya kailangan na umanong matuto rin ng mga ito na magsagwan ng bangka at nang makapagdeliver rin sa gitna ng tubig.
Sa Pilipinas, ikinabilib lalo na ng mga delivery rider rin ang ginawang ito ng kanilang kapwa delivery rider. Marami ang natuwa sa kwentong ito ni Tanyapisit. Maliban sa pagkatuwa at paghanga rito, nagpapakita lamang din umano ito sa dedikasyon ng rider na magawa ng maayos ang kanyang trabaho at gagawin nito ang lahat ng paraang makakaya.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment