Sunday, September 4, 2022

Security Guard at Merchandiser hinangaan at pinuri sa pagiging matapat sa kabila ng kahirapan



Kung ating susuriin o pagmamasdan sa panahon ngayon, halos bihira na tayong makakabalita o makakakita ng katapatan ng isang tao. Kadalasan pa nga kung makakapanood tayo ay pagtulong sa kapwa ngunit ang ilan dito ay tinatawag ng scripted. Sa napapanahong sobrang hirap ang dinadanas ng karamihan, mananatili pa rin ba ang pagkakaroon ng busilak na puso o kalooban. O di kaya naman magpapadala na lamang tayo sa tukso kahit na alam naman natin na hindi ito magandang gawain.



Bagamat sa kabila ng agam-agam natin sa ating kapwa may iilan pa rin naman na talagang pinili maging matapat sa sarili, maging sa trabaho o tungkulin. Katulad na lamang ng napabalita kamakailan na pag-sasauli ng malaking halaga ng isang security guard at isang lady merchandiser ng isang kilalang mall sa ating bansa.



Sina Rodney Visperas at Amani Sarip ay kinilala ng pamunuan ng mall sa pagiging tapat matapos magsauli ng kanilang nakitang malaking halaga na tumataginting na Php600K, Bagaman hindi biro ang halagang ito hindi nag-atubili ang dalawang empleyado na ibalik sa pamunuan ang natagpuang pera. At kalaunan naibalik naman sa may-ari ang nasabing nakitang bag na naglalaman ng malaking halaga.



Ang dalawang nabanggit ay pawang mga taga Baguio at alam naman natin ang lugar na ito ay puntahan ng mga turista. Sa salaysay ni SG Visperas, “Habang nakaduty ako sa entrance at nag check ng mga bag na pumapasok sa loob ng Supermarket, tinawag ako ng isang diser na nagsabi na may nakita siyang bag na nakapatong sa ibabaw ng naka display na bigas, nakita ko habang wala pang tao ay tiningnan ko ang loob ng bag para I check, ng makita ko na may pera ay agad ko dinala sa customer service,”



“Naisip ko baka ito ay gagamitin sa ospital o gagamitin sa negosyo kaya naisip ko agad na ibalik sa Customers Service at dito namin nalaman ang laman ng bag ay may anim na bundle na tig 100k bale ang kabuuan ay P600k may kasama rin na ID ng bata, nung araw na yun ay may babaeng nagpunta may kasamang bata at nagtatanong na may naiwan na bag sa Supermaket, na interview ang babae at napag-alaman na yun batang kasama niya ay siya yun ID na nasa loob ng bag na may pera, nasiyahan ako dahil naibalik ng safe yun pera sa may ari at nagpasalamat rin sa akin,” ayon kay Visperas.



Alam naman natin ang mga uri ng kanilang trabaho ay hindi kataasan ang sinasahod o kung minsan nga kapos pa ito sa pang-araw araw na gastusin. Paano pa kaya kung mayroon pamilya at ipinag-aaral ang bawat isa sa kanila. Ganunpaman nanatili ang katapatan nila, kaya naman pinuri at binigyan pagkilala ang dalawang nabanggit ng kanilang pamunuan.



Magaan sa kalooban ang paggawa ng tama, wala kang dadalhing isipin sa iyong konsensya at magiging inspirado ka sa pagtratrabaho kung alam mo nakakagawa ka ng tama sa iyong kapwa.

No comments:

Post a Comment