Friday, August 21, 2020

John Regala, Humingi ng Paumanhin kay Raffy Tulfo; Mga Tumulong Rito, Kanya Ring Pinasalamatan



Kamakailan lang ay naibalita ang tungkol sa ginawang pagtigil ng suporta ng ilang mga artista sa pagpapagamot ng aktor na si John Regala dahil sa pagiging ‘uncooperative’ umano nito bilang isang pasyente.

Kaugnay nito, sa pinakabagong pagharap ni Regala sa media sa pamamagitan ng programa ni Raffy Tulfo, maliban sa paghingi ng tawad rito ay pinasalamatan din ni Regala ang mga artistang ito na tumulong sa kanyang pagpapa-ospital.

“Unang-una po, sir Raffy, nahihiya po ako dahil hindi ko po naging ugali na mag-abuso ng tao at tama na po ‘yung minsan akong natulungan. ‘Yung sinasabi nila… na very uncooperative ako, nalulungkot po ako dahil na-misinterpret po nila ang damdamin ko bilang isang tao,” ani pa ni Regala.

Ayon sa aktor, kahit na mayroon pa itong nararamdamang sakit noong ito ay nasa ospital, pinilit umano ni Regala na umuwi at sa bahay na lamang magpagaling dahil namomoroblema na umano ang mga taong tumutulong sa kanya sa ipambabayad sa ospital.


“Masyadong malaki na po ang babayaran. Sabi ko, ‘kung pwede po sana, iuwi niyo nalang ako sa bahay at doon nalang po ako magpapahinga. Eh kesa dito po, umaandar ‘yung metro, ang mamahal pa po… ilang doktor pa po ‘yung tumitingin sa’kin’. Sayang po ‘yung mga donasyon na ibinibigay ng tao,” pagbabahagi pa ni Regala.

Gayunpaman, malaki umano ang pasasalamat ni Regala sa mga artistang ito na nagpaabot sa kanya ng tulong lalong-lalo na umano kay Tulfo na hanggang ngayon ay tinutulungan pa rin ang aktor.

Dahil sa ibinahaging ito ni Regala, inalok ulit ito ni Tulfo na muling magpa-ospital ngunit, sa pagkakataong ito ay sagot lahat ni Tulfo ang mga gastusin at wala itong dapat na alalahanin.


Ngunit, iginiit pa rin ni Regala na hindi bumalik sa ospital at magpagaling na lamang sa bahay.


“Ayaw ko na po, kuya Raffy. Tama na po ‘yon, kuya Raffy. Magpapagaling nalang po ako, magpapalakas po ako dito sa bahay. Magugulat nalang kayo isang araw at makikita n’yo ako’y nag-eensayo nang sumuntok,” ani pa ni Regala kay Tulfo.

Ayon naman kay Tulfo, kahit na hindi sumang-ayon si Regala sa alok nito na muli siyang ipa-ospital, mabuti na lang din umano na positibo ang pananaw ng aktor at kahit papaano ay nakikitaan ito ng sigla.

Muli namang mensahe rito ni Regala,

“Hindi na po ako mahihiya sa inyo. Pamilya na po ang turing ko sa inyo po. Maraming maraming salamat po. Langit na lamang po ang bahalang gumanti sa inyo…


“Papatunayan ko po sa kanilang lahat na hindi po nasayang ang kanilang pagtulong sa akin. Iyon lang po ang aking maigaganti sa lahat ng kabutihan na ipinakita nila sa akin.”

Ayon kay Tulfo, bagama’t ayaw na ni Regala na muling madala sa ospital, isasangguni niya umano ang aktor kahit man lang sa isang physical therapist upang kahit paano ay mas mapabuti pa ang kalagayan nito.


Si John Regala ay mayroong sakit na liver cirrhosis na siyang dahilan ng paghina ngayon ng kanyang katawan. Ang kondisyon na ito ni Regala ang dahilan kung bakit kamakailan lang ay naging trending topic ito sa social media.

Panoorin ang buong video dito!


Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment