Friday, September 18, 2020

9 Anyos na Bata, Nagtatrabaho Bilang Mascot Para Masuportahan ang Pamilya


Nagpaantig sa maraming mga netizen ang kwento sa likod ng trending na larawan ng isang batang ito na nagpapahinga sa gilid ng kalye habang may suot na malaking mascot costume.

Ang batang ito ay ang siyam taong gulang na si Rehan mula Indonesia na nagtatrabaho bilang isang street clown.

Sa naturang larawan nito na ibinahagi ng isang netizen sa social media, makikita ang bata na animo’y pagod na pagod habang nagpapahinga sa gilid ng kalsada. Nakasuot ito ng Tom and Jerry mascot habang mahimbing na nagpapahinga.

Araw-araw, kinakailangan umanong gumising ni Rehan nang maaga, kung minsan ay bago pa sumikat ang araw, at maglakad ng halos 10 kilometro papunta sa Jalan Gatot Subroto ng South Kalimantan sa Indonesia.

Dito, sa kasagsagan ng trapik ay pinapasaya umano ni Rehan ang mga motorista na naiipit sa trapiko. Gamit ang kanyang mga baong ‘tricks’, pagpapatawa, at suot na iba’t-ibang mascot costume araw-araw, sinisikap ni Rehan na makapagpasaya ng tao bilang kanyang trabaho.



Maliban sa Tom and Jerry mascot na nakita sa kanya sa viral nitong larawan, ilan pa umano sa mga karakter ng mascot na kanyang sinusuot ay Spongebob Squarepants, Upin and Ipin, Dora the Explorer, at iba pa.


Aminado naman si Rehan na nakakapagod ang trabaho niyang ito kaya hindi nakapagtataka ang pagod nito sa nakunan niyang larawan habang nagpapahinga. Ngunit, dahil kailangang kumita ay nagsisikap pa rin ang bata sa kanyang trabaho.

Ayon kay Rehan, ang kita niya umano bilang isang street clown ay malaking tulong na para sa kanilang pamilya. Bagama’t nagtatrabaho rin umano kasi ang kanyang nanay, sapat lamang umano ang kinikita nito para sa kanilang renta. Kaya naman, bukod sa nakakatulong umano siya sa kanilang pang-araw araw na pagkain, nakakapagbigay na rin umano ito ng pandagdag sa kanilang renta.

At ang pinakamahalaga, ayon kay Rehan, dahil sa pagtatrabaho nito bilang isang street clown ay nakakapag-ipon umano siya para sa kanyang pag-aaral at nabibili ang mga kailangan niyang gamit para rito.


Hindi na rin umano masama ang kanyang kinikita sa trabahong ito. Kaya naman kahit mahirap, masaya umano si Rehan sa kanyang trabaho lalong lalo na sa tuwing nakapagbibigay siya ng tulong at napapasaya niya ang kanyang nanay.

Ang kwentong ito ng batang si Rehan ay umagaw sa atensyon ng mga netizen sa social media. Naantig ang mga ito sa kwento ng buhay ng bata na kahit mahirap, nagsisikap pa rin upang makatulong at tuluyang makaahon dito.

Hindi lahat ay nabiyayaan ng marangyang pamumuhay, gaya na lamang ni Rehan. Dahil dito, imbes na gamitin sa paglalaro ang kanyang oras habang siya ay bata pa, namulat na si Rehan sa kahirapan ng buhay kaya nito piniling magtrabaho sa kabila ng kanyang murang edad.


Sa edad nitong bata, alam na niya na wala silang sapat na perang pambayad sa kanyang pag-aaral kaya kinailangan niya munang magtrabaho para ganap na makapag-aral. Nakakalungkot lamang isipin na mayroong mga bata na kailangang dumanas nito, katulad ni Rehan at ng iba pang mga bata sa buong mundo.

Source: yahoo


Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment