Kamakailan lang ay naging laman ng balita ang ginawang pagpapahayag ng aktor na si Diego Loyzaga ng kanyang paghanga para sa aktres na si Barbie Imperial sa isang Instagram post ng huli.
Kaya naman, hindi naiwasan na masali sa usapan ang aktor nang maging panauhin si Barbie kamakailan lang sa programang ‘Magandang Buhay’. Dito, tinanong ang aktres ng isa sa mga host na si Karla Estrada kung nanliligaw ba umano rito ang aktor o mayroon na ba umanong umuusbong na lovelife sa mga ito.
Sagot naman dito ni Barbie, “Siguro po, nagpaparamdam”.
Ayon kay Barbie, dati pa man umano ay malapit na silang magkaibigan ni Diego dahil na rin nasa iisang grupo ang mga ito. Bagama’t noon pa umano ay mayroon nang pahiwatig ang kanilang mga kaibigan na subukan daw nilang dalawa ni Diego na mag-‘date’, mas pinili daw ni Barbie na manatili lamang silang magkaibigan ng aktor.
Para sa aktres, hindi umano iyon ang tamang panahon para sa kanilang dalawa dahil na rin sa mga pinagdaanan nila noong mga panahong iyon.
“Actually po, magkaibigan talaga kami before pa. Super close talaga kami. 'Yun nga po, matagal po kaming hindi nagkita pero isa lang din po 'yung grupo namin. Tapos, ayun po… parang 'yung mga friends kasi namin, gusto nila na 'try niyo kaya mag-date ni Diegs’.
“Tapos kami parang, ‘di huwag na huwag na’. Kasi noong 2018, hindi ba po parang ang dami kong pinagdaanan sa love life and si Diegs din. So parang ako… hindi. Parang kami perfect for each other nung time na 'yon,” saad pa ni Barbie.
Ngunit, kung noon ay masasabi ni Barbie na hindi iyon ang tamang panahon para sa kanilang dalawa, para sa aktres ay hindi pa rin umano ito ang panahon para sa kanila lalo na’t alam nito ang pinagdaan ni Diego.
Para sa aktres, ayaw umano niya na masaktan ang aktor o siya ang babae na manakit dito. Kaya naman, mas pinili ulit nito na maging magkaibigan lamang muna sila ngayon ni Diego sa kabila ng pagpaparamdam nito sa kanya.
“Recently, nung pumunta sila sa house, parang ako… hindi pa rin. Kasi kaibigan ko siya, eh at alam ko po ‘yung ang pinagdaanan niya. So parang, ayaw ko maging 'yung babae na ibi-break 'yung heart ni Diegs.
“So parang… tinuloy namin na ‘hindi’. Maging friends na lang muna tayo. Kapag alam mo kasi ang pinagdaanan ng tao parang ayaw mo siyang ibalik sa sitwasyon na 'yon ulit,” pagbabahagi pa ni Barbie.
Kung matatandaan, noong 2018 ay naugnay ang aktres sa kanyang leading man na si JM de Guzman ngunit, naihayag nito minsan na hindi na sila nagkausap pa ng aktor. Ito marahil ang tinutukoy ni Barbie na pinagdaanan nito sa lovelife noong 2018.
Sa kabilang banda, bago pansamantalang namahinga sa showbiz ay nakarelasyon ni Diego ang aktres at loveteam na si Sofia Andres. Si Sofia ngayon ay nagsisimula na ng kanyang sariling pamilya kasama ang kanyang partner na si Daniel Miranda at anak nila na si baby Zoe.
Sa isang pahayag, minsang sinabi ni Diego na masaya ito ngayon para bagong buhay ng ex-girlfriend.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment