Nito lamang Huwebes, ika-26 ng Nobyembre ay masayang inanunsyo ng tinaguriang ‘Sample King’ na si Jhong Hilario at kanyang longtime girlfriend na si Maia Leviste Azores na magkakaroon na sila ng anak.
Sa Intagram ay nagbahagi si Jhong ng larawan kasama ang girlfriend at kita ang baby bump nito. Kasama ang mga hashtag na ‘Sample Princess’ o ‘Sample Prince’, ani rito ni Jhong, “Thank you Lord!”
Ganito rin inanunsyo ng girlfriend nitong si Maia ang kanyang pagbubuntis. Maliban dito ay nagbahagi pa si Maia ng ilan pa nilang larawan mula sa bakasyon kung saan kinunan ang naturang larawan.
Agad naman na bumuhos ang mga pagbati para sa aktor at TV host para sa bagong biyaya nito at ng kanyang girlfriend. Isa sa mga nangunang nagpaabot dito ng kanilang pagbati ay ang mga kapwa host ni Jhong sa It’s Showtime na sina Anne Curtis, Ryan Bang, Vhong Navarro, Amy Perez, at Kim Chiu.
Maliban sa mga tagasuporta ni Jhong ay nagpaabot din ng pagbati para rito ang mga artistang sina Dimples Roman, Rayver Cruz, Lara Quigaman, EA Guzman, at iba pa.
Kaka-celebrate lamang nila Jhong at Maia ng kanilang ika-9 na anibersaryo bilang magkasintahan nitong nakaraang Hulyo. Ayon sa 44 taong gulang na aktor, hindi naging madali ang pinagdaanan nito at ng kanyang girlfriend na si Maia. Ayon kay Jhong, ipinaglaban niya umano si Maia sa pamilya nito.
Dumaan ito sa ilang mga pagsubok upang patunayan sa pamilya ng girlfriend na mabuti ang intensyon niya para rito. Pinatunayan din ng dalawa na ‘age doesn’t matter’ sa kanilang relasyon dahil 15 taon ang agwat ng edad nila sa isa’t-isa.
Gayunpaman, ang kasiyahan ng dalawa sa isa’t-isa ay kitang-kita sa mga larawan na ibinabahagi nila sa social media kung saan, kadalasan ay magkasama ng mga ito sa bakasyon sa ibang bansa.
“Ito kasi ‘yong babaeng ipinaglaban ko talaga kahit sinabing hiwalayan na. Mali ko lang din kasi nag-aaral pero no’ng nalaman ng family na ako ‘yong boyfriend, and siyempre dumaan sa masusing pag-iimbestiga ‘yan, kung ako ba ‘yong Gary sa Mara Clara, pero na-prove ko naman sa kanila na malinis ang intensyon ko,” minsan pa ngang pahayag ni Jhong tungkol sa girlfriend.
Taong 2014 nang ibunyag ni Jhong ang tungkol sa relasyon nila ni Maia.
Bago ito, noong 2005 ay ikinasal ang aktor sa British National na si Michelle Westgate na nakilala niya sa London nang maging bahagi ito ng ‘Miss Saigon’. Matapos ang umano’y pitong taon ay naghiwalay din ang dalawa dahil sa hindi pagkakasundo.
“Nagkahiwalay din kami... matagal din [kami], for seven years. Ayaw niya kasi rito, ayaw ko rin naman do'n,” saad pa dati ni Jhong sa isang panayam.
Unang nakilala si Jhong nang maging bahagi ito ng sikat na 90’s dance group na Streetboys kung saan, kagrupo niya rin dito si Vhong Navarro na kasama niya ulat ngayon bilang host ng It’s Showtime.
Maliban sa pagiging isang magaling na dancer ay kilala din si Jhong sa galing nito sa pag-arte. Ilan sa mga pinakatanyag niyang karakter ay ang pagganap niya sa ‘Mara Clara’ at ‘FPJ’s Ang Probinsyano’.
Source: ABS CBN
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment