Friday, December 11, 2020

Luis Manzano at Jessy Mendiola, Engaged na!


Matapos ang apat na taon nilang relasyon ay engaged na sina Jessy Mendiola at Luis Manzano.

Magkasabay na inanunsyo ng dalawa ang tungkol dito nito lamang Sabado, ika-12 ng Disyembre, sa kanilang mga Instagram accounts. 

Bago ito, nagkaroon na ng spekulasyon ang mga fans ng dalawa dahil sa kanilang mga IG posts kung saan, ipinapahiwatig ng mga ito na mayroong aabangan sa kanila ngayong Sabado o ‘12-12-20’.

Agad naman na umani ng mga pagbati ang dalawa para sa bagong hakbang na ito sa kanilang relasyon. Ang ilan sa mga unang nagpaabot dito ng pagbati ay sina Vice Ganda, Alex Gonzaga, at Mariel Padilla.

“O loko! Ayan naaaaaaa!!! Congrats munchie!” pagbati pa sa mga ito ni Vice.

“Congrats and mabuhay helmet ni jessy!” ang mapagbiro namang pagbati ni Alex kina Luis at Jessy.

Maliban sa mga ito ay nagpaabot na rin ng kanilang ‘Congratulations’ para kina Jessy at Luis sina Dawn Chang, Jodi Sta. Maria, Nikko Natividad, MJ Lastimosa, Marian Rivera, Vhong Navarro, Robi Domingo, Julia Montes, Coleen Garcia, Lovi Poe, at iba pa.


Noon paman, bukas na si Luis, 39, sa pag-uusap tungkol sa pagpapakasal nila ng nobya. Taong 2017 pa lamang ay handa at plano na ng TV host na lumagay sa tahimik kasama si Jessy. Ngunit, ayon kay Luis, naiintindihan niya umano na mayroon pang mga bagay si Jessy, 28, na gusto nitong maabot sa kanyang career.

“Para sa akin, I completely understand the fact that she still has so much responsibilities for herself, for her family, and I will never take that away from her. I respect her timetable the same way she respects my timetable... But when she’s ready, I’m definitely right by her side,” ani pa dati ni Luis.

Samantala, hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na binalot ng maraming isyu at kontrobersiya ang relasyong ito ng dalawa lalo na dahil sa dating relasyon ni Luis. Naging biktima ang aktres ng mga pambabatikos lalo na online kaya naman, naibahagi nito na nakaranas siya ng depresyon.

Hindi ito naging madali para kay Jessy dahil malaki ang naging epekto nito sa kanya. Gayunpaman, nandyan ang TV host upang dumepensa sa lahat ng mga ibinabato sa girlfriend at maging sa kanilang relasyon. Magkasama nilang nilampasan ang lahat ng mga ibinato ng publiko sa kanilang relasyon at naging bukas din si Jessy na ihayag kung gaano siya natulungan ni Luis para lampasan ang lahat ng kanyang mga napagdaanan.


Maging ang madalas na tanong kung kailan planong magpakasal ng dalawa ay isa ring malaking usapin bago ang engagement na ito nina Luis at Jessy. Ngunit, ani nga nilang dalawa, darating sila sa tamang panahon para diyan at mukhang dumating na nga ito.

Kaya naman, para sa mga tunay na sumusuporta kina Luis at Jessy, ang engagement nilang ito ay labis nilang ikinatuwa. Di maikakaila ang saya ng mga ito lalo na ang mga kaibigan nina Luis at Jessy.


Inaabangan na ngayon ng mga ito kung kailan at saan magaganap ang pinaka inaabangang kasalan ng dalawa.

Source: instagram

Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment