Friday, December 11, 2020

Mga Nagviral Noon na mga Bata, Heto na ang Buhay Ngayon


Badjao Girl, Pabebe Girls, at Magkapatid na sina Bunak at Bilog. Ilan lamang sila sa mga pinaka naging viral at pinag-usapan noon sa social media dahil sa kanilang mga kumalat na video o larawan.  

Ngunit, makalipas ang ilang taon, nasaan at kamusta na kaya ang buhay ng mga batang ito na minsang sumikat at kumuha sa atensyon ng publiko sa internet.

Taong 2016 nang maging viral ang larawan ni Rita Gaviola o mas kilala sa tawag na ‘Badjao Girl’. Ang naturang larawan ni Rita ay nakunan habang namamalimos ito sa Lucban, Quezon. Ngunit, ang larawang ito ni Rita ay nagpahanga sa marami dahil sa taglay nitong natural na ganda.

Ito ang dahilan kaya naging viral ang noon ay 13 taong gulang lamang na si Rita. Naging susi ang viral niyang larawan sa kanyang pagsabak sa showbiz kung saan, pumasok ito bilang isa sa mga housemate sa 2016 na edisyon ng Pinoy Big Brother.

Apat na taon ang lumipas mula nang magviral, isa na ngayong modelo si Rita at nakakatulong na sa kanyang pamilya. Habang nasa Quezon ang mga ito, si Rita naman ay nasa sa Maynila at nakikipagsapalaran para mapaunlad ang kanilang buhay. Nabilhan na nito ng motor ang kanyang tatay at tumutulong na rin ito na mapaaral ang kanyang mga kapatid.

Taong 2017 naman nang maging viral ang nakakaaliw na video ng magkapatid na sina Bunak at Bilog. Sa naturang video, kuha ang bangayan ng magkapatid na talaga namang nagpaaliw sa mga netizen kaya agad na naging viral.

Ngayon ay malalaki na sina Bunak at Bilog ngunit aminado ang mga ito na minsan ay nagbabangayan pa rin sila. Nasa Grade 8 na ngayon ang nakakatandang si Bunak habang nasa Grade 5 naman si Bilog.


Ayon sa dalawa, dahil sa pagiging viral ay nakatulong umano sila sa hanapbuhay ng kanilang magulang. Nagsisikap ang mga ito na mag-aral dahil pangarap nila na mabigyan ng magandang buhay at bahay ang kanilang pamilya.


Samantala, malaki naman ang pagbabago sa naging viral noon at tinaguriang ‘Pabebe Girls’ na sina Michelle Alfonso at Janet Ricabo. Kung matatandaan, ang kanilang viral video noong 2015 ang pinagmulan ng pumatok na linyang ‘walang makakapigil sa amin!’.

Marami ang nagulat at natuwa dahil sa umano’y ‘glow up’ ngayon ni Michelle na lutang ang ganda at malaki ang ipinagbago mula nang sumikat ang kanilang viral video. Ayon kay Michelle, wala naman umanong masama sa pangangarap kaya nais umano nitong sumabak sa pag-aartista kung mabibigyan ng pagkakataon.

Samantala, nag-aaral naman ngayon upang maging ‘beautician’ Janet at malaki na rin ang naging pagbabago rito mula nang magviral sa internet. Bagama’t hindi na gaanong nagkikita sina Michelle at Janet, ayon sa mga ito ay nagpaplano na ulit silang magkita at gumawa ng sarili nilang vlog.

Lahat ng naging tutok sa Facebook o social media nang mga taon na ito ay hindi maikakaila na lubusang sumikat ang mga batang ito noon. Ngunit, kahit ang kanilang pagsikat ay hindi pangmatagalan, hindi maikakaila na malaki ang naging epekto nito sa kanilang buhay at ang kanilang pagiging viral ay isang pangyayari na tumatak na sa kanila.


Panoorin ang buong video dito!


Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment