Sunday, February 7, 2021

Raffy Tulfo, Nangako ng Tulong kay Lani Misalucha Matapos Nitong Maloko ng Isang Booking Agent


Emosyonal na dumulog sa programa ni Raffy Tulfo ang Asia’s Nightingale na si Lani Misalucha habang inirereklamo nito ang isang booking agent na nanloko sa kanya at tumangay ng mahigit sa Php100,000 lang naman na pera.

Nito lamang Lunes, unang araw ng Pebrero, inireklamo ni Lani ang booking agent na si Maynard Oliver Vergara. Ito umano ang namahala sa Lyka at Bigo na phone application ng singer at pinagkatiwalaan naman ito ni Lani. Ngunit, nagulat na lamang ito nang malaman na iniba ni Maynard ang nakasaad na impormasyon sa naturang mga app kaya sa kanya na napupunta ang ‘gems’ o pera na kinikita nito.

Noong nakaraang taon pa umano, bandang Oktubre, nang mangyari ito ngunit, hanggang ngayon ay wala man lang siyang nakuha kahit piso at hindi na rin umano mahagilap ang naturang Maynard.

“Nasa ospital kami noon [nang] tinawagan niya ako. Sabi niya, ‘Ate, kung gusto mo, ipu-pull out ko na yung mga beans sa Bigo… I-convert na natin sa cash and ilagay na natin sa bangko mo.’ Sabi ko, ‘Sige!’ 2021 na ngayon, wala pa rin yung beans na yun na kinuha niya…

“Pinag-research ko yung iba kong mga kaibigan, within 5 days or 1 week, maco-convert naman pala yung cash ng ganon kadali lang… Anong nangyari? 2021 na! Wala ako ni-singkong duling na natanggap,” ani pa tungkol dito ni Lani.

Nang mga panahong iyon ay kagagaling pa lamang din ni Lani at ng asawa nito sa sakit na ‘bacterial meningitis’ kaya hindi nito masyadong naasikaso ang pag-uupdate kay Maynard. Sa tuwing sinusubukan niya itong kausapin ay nagsasabi lamang umano ito ng iba’t-ibang mga dahilan.


Aminado naman ang singer na mali niya rin umano na agad siyang nagtiwala kay Maynard kahit na hindi niya pa ito masyado o matagal na kilala. Kaya naman, nais ipaabot ni Lani na maging alerto ang publiko sa taong ito upang hindi na ito ulit makapambiktima pa ng iba.


“Ang ano ko lang, kung ginamit mo ‘yung mga beans ko sa Bigo o ‘yung nga gems ko sa Lyka, ano ba ‘yung sabihin mo na ‘ginamit’ mo, or give me a regular update kung ano na ba nangyayari…

“Kung wala kang kasalanan o kung alam mong wala kang masamang ginagawa, bakit mo ako binlock sa Instagram mo at in-unfoloow mo ako sa Lyka at nagtatago ka sa akin. Kung wala kang ginagawang masama o ginagawang kalokohan sa ibang tao, harapin mo,” saad pa ulit dito ni Lani.

Hindi naman umano ito tungkol sa laki ng pera na nakuha ni Maynard sa singer kundi ang ginawa niya ritong panloloko at pagsira ng tiwala. Kaya naman, ganoon na lamang ang pasasalamat ni Lani nang mangako sa kanya si Tulfo na tutulungan siya nito sa kanyang problema kay Maynard. 

Hindi na rin napigilan ni Lani na maiyak nang sabihin ni Tulfo na magbibigay na lamang siya dito ng katumbas ng perang kinuha sa kanya ni Maynard matapos na mabanggit ni Lani na pampagamot niya rin sana ang naturang pera. Kaya naman, lubusan ang naging pasasalamat ng singer sa host at nagpaunlak pa nga ng isang kanta para rito at sa mga nanonood.


Pagtitiyak naman ni Tulfo at ni Lani, tuloy pa rin ang kanilang pagrereklamo upang maturuan ng leksyon si Maynard hangga’t hindi ito nagpapaliwanag.

Panoorin ang buong video dito!


Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment